NOONG Miyerkules, inabisuhan ni Labor Sec. Bebot Bello ang PLDT na gawing regular ang mahigit 10,000 contractual employees nito dahil ang trabaho nila’y “core functions” ng telco.
Pinagsabihan din ni Bello ang Philippine Air Lines at PAL express na i-regular din ang mga contractuals na ang trabaho ay direktang “functions” ng Airlines.
Agad namang nag-react ang Globe na pinagsabihan ang kanilang “third party vendor partners” na i-regular na rin ang kanilang mga empleyado bilang pagtupad sa DOLE Order 174 na binigyang bias nitong Abril.
Ayon sa DOLE, meron nang 45,605 contractuals ang naging regular mula Enero hanggang Marso. Kung matutuloy ang PLDT, PAL at GLOBE, lalampas ito ng 100,000.
Siyempre, inaabangan ko pa ang mangyayari sa SM, 7-Eleven, Rustan’s, Ayala at Star malls.
Simple lamang ang DO 174, kapag ang trabaho ng “endo” ay “core “ o “direct” function, dapat regular siya. Kung ang trabaho niya ay hindi “core”, halimbawa “janitorial” o “support services” lamang, pwede siyang i-outsource.
Pero kung kahera, bagger, helper sa SM supermarket o Shopwise at iba pa na direktang trabaho sa grocery, dapat regular sila. Ang gawain kasi ng mga malalaking kumpanya ay meron silang “third party vendor partners” o “agency” na nagsu-suplay ng mga “endo employees”.
Kung minsan “labor cooperative”, “placement agency” o kaya’y “dummy corporation” nila. Sila ang dumidribol sa “endo” sa ibat ibang pwesto hanggang five months para iwas-regularization.
Siyempre, maaring magpalusot sila at sa mga ahensya nila gagawing regular ang mga “endo”. Ang kaso, maliwanag ang DO 174 dito na kapag ang trabaho ng “endo” ay “core function” dapat i-regular siya hindi sa agency kundi ng principal employer.
Halimbawa iyong mga fast food workers na ang trabaho ay “core function”, hindi na maaaring mga endo rito. Ganoon din sa mga malillit na pabrika o supermarket na gumagamit ng mga “seasonal workers” o contractuals. Kailangan na silang i-regular ng naturang pabrika, o kung hindi man ay i-regular sila ng “agency” o “manpower company” na nag-suplay sa kanila.
Kaya naman , ibang klaseng gera ang inilatag ng Duterte administration lalot bistado na ngayon ang “endo racket” ng mga CEO at may-ari ng mga kumpanya para mas lumaki ang kita nila. Isipin niyo ang mga kumpanya nila ay 80 porsiyento ang contractual at 20 porsiyento lang ang regular.
Karima-rimarim talaga. Siyempre, milyun-milyon pa rin ang mga endo workers sa ngayon at matatagalan bago mai-ahon sila sa “minimum wages”, pero ngayong sinasampulan na ni Duterte ang PLDT, PAL, SM at iba pa, hindi malayong magkakaliwanag sa mga susunod na araw.
Ika nga ang “yanig” sa mga employers ay naararamdaman na. Unti-unting aksyon pero dumadagundong. Kahit pa sinisiraan ng mga militante at siyempre pati ng mga malalaking kumpanya ang DO 174 na palpak daw para wakasan ang endo.
Sa ganang akin, mas mabuti nang may hinahawakan tayong DO174 na resulta binuo ng aktwal na konsultasyon sa labor management at gobyerno.
At ngayon, “political will” na ni Pres. Duterte ang aabangan natin kung kaya niyang ipatupad ang DO 174 laban sa mga matitigas na employers. Pero, kapag nag-regular naman ang PLDT, PAL SM, susunod na ang Jolibee, Mc Do atbp , siyempre palakpakan tayo at mabuhay ang mga “endo workers”.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.