Resbak sa Manila Clasico? | Bandera

Resbak sa Manila Clasico?

Barry Pascua - April 08, 2017 - 12:05 AM

MAKAKARESBAK ba ang Star o patuloy itong dodominahin ng Barangay Ginebra?

Iyan ang tema ng larong ihahandog ng 2017 PBA Commissioner’s Cup sa mga fans matapos silang dumalaw sa simbahan para sa Linggo ng Palaspas bukas.

Malamang nga ‘yung iba ay magsimba sa simbahan sa Mall of Asia para tatawid na lang sila sa MOA Arena kung saan magaganap ang Pasay Clasico este, Manila Clasico pala, kahit sa Pasay ang venue. O kaya para malinaw, Metro Manila Clasico dahil ang Pasay ay bahagi ng Metro Manila.

Malamang na atat na atat nga ang Hotshots na makabawi sa Gin Kings.

Magugunitang nagkita sila sa semifinal round ng nakaraang Philippine Cup. Nakalamang pa nga ang Star sa best-of-seven series, 3-2. Pero nabigo ang Hotshots na tapusin ang kalaban.

Nagwagi ang Barangay Ginebra sa huling dalawang laro upang makadiretso sa best-of-seven championship round kung saan nakaengkwentro nila ang San Miguel Beer. Isang game lang ang napanalunan ng Gin Kings at ito ay ang out-of-town na pagkikita nila sa Lucena City. Dinomina ng Beermen ang Gin Kings upang makamit ang ikatlong sunod na Philippine Cup title.

Sa kasalukuyang Commissioner’s Cup ay matindi ang naging umpisa ng Hotshots at napanalunan nila ang unang apat na games upang makasama sa itaas ng standings ang Alaska Aces.

Sa apat na laro, minsan lang sila nahirapan at ito ay kontra NLEX Road Warriors noong isang Sabado.

Nakabalik ang Road Warriors sa 22 puntos na abante ng Hotshots at muntik pang matalo. Isinalba ng rookie na si Jio Jalalon ang Star nang makapagbuslo siya ng side jumper sa pasa ng import sa Tony Mitchell sabay sa pagtunog ng final buzzer.

Sa kabilang dako ay natapilok naman kaagad ang Barangay Ginebra matapos matalo sa Phoenix Fuel Masters sa una nilang laro sa Davao City noong nakaraang Sabado.

Nakabawi naman ang tropa ni coach Tim Cone noong Miyerkules nang gulpihin nila ang Globalport Batang Pier, 113-96.

Hindi pa rin makakasama ng Gin Kngs ang seven-footer na si Gregory Slaughter. Pero dalawang players naman ang hindi magagamit ni Star coach Chito Victolero dahil kapwa injured sina Marc Pingris at Justin Melton.

Bagamat si Justin Brownlee ng Barangay Ginebra ang pinakamaliit na import ay batak naman ito sa liga. Siya kasi ang import ng Gin Kings nang sila ay magkampeon sa Governors’ Cup noong nakaraang season.
Pero mas matangkad nga si Mitchell at tiwala sa kanya si Victolero.

Kung sakali ay cancel out ang mga imports. Patas din ang locals.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

So, bahala ang mga fans kung paano nila uudyukan ang paborito nilang koponan nang hindi naman mapako sa krus sa dulo ng duwelo.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending