Colon cancer: Sakit na ‘di malayo sa bituka
HABANG tumatagal, mas maraming Pilipino ang dumedepende sa mga processed food tulad ng mga de lata, cold cuts at produktong fast food na siksik sa mantika, taba, asin, salitre at mga kemikal na may masamang epekto sa katawan kung sosobra.
Ang gawing ito ay dulot na rin ng impluwensya ng mga mauunlad na bansa lalo na ang mga nasa kanluran. Isang salik kung bakit ang ‘western lifestyle and diet’ na ito ay nakasanayan na ng mas mala-king bahagi ng populasyon ay dahil na rin sa mabilis na takbo ng buhay upang makasabay sa matuling takbo ng pang araw-araw na gawain at mga pagbabago.
Mas madali nga namang ihanda ang mga prosesong pagkain dahil ang iba ready to eat na, menos oras at menos gastos na rin dahil may pagkakataong mas makakatipid ka dito kesa sa pagbili ng mga sangkap para makabuo ng isang putahe.
Subalit kasabay ng labis na pagtangkilik ng mga Pinoy sa mga processed food ay ang mabilis ring pag-usbong ng mga seryosong karamdaman na kadalasan ay binabalewala at kung may impormasyon man ukol sa sakit ay kakarampot lang ang nakakaalam nito, tulay para malagay ang kalusugan sa peligro na posibleng humantong sa kamatayan.
Isa na rito ang colorectal o colon cancer- ang ikatlong pinakamalubhang cancer sa buong mundo mapa-babae man o lalaki.
Lingid sa kaalaman ng nakakararami, ang colon cancer din ang ikalimang tipikal na uri ng cancer sa bansa sa parehong kasarian kasunod ng breast, lung, liver at cervical cancer habang ito ang ikaapat na sanhi ng pagkamatay pangkalahatan. Bukod dito, nangunguna rin ang Pilipinas na may pinakamabilis na paglobo ng mortality rate ng sa-kit na ito ayon sa pag-aaral.
Ito ang lumabas sa ginawang pagsusuri sa ibang bansa na may titulong Global Colon Cancer: Incidence and Mortality na isinagawa noong 2016 at kamakaila’y nailimbag sa Gut, isang pandaigdigang gastroenterology journal.
Sa pinakahuling tala naman ng World Helath Organization sa pamamagitan ng GLOBOCAN, isang cancer research at statistics project ng ahensya, may 4,901 na ang namatay na Pilipino mula sa 8,553 kaso ng colon cancer noong 2012 at taun-taon ay nadaragdagan ng mahigit 3,000 ang tinatamaan nito.
Walang Pinipili
Maliban sa palaging pagkonsumo ng processed food, may dalawa pang aspeto ang maaaring maghatid sa ‘yo sa colorectal cancer ayon kay Dr. Frederick Dy, pangulo ng Philippine Society of Gastroenterology (PSG).
“Colorectal cancer is influenced by both modifiable and non-modifiable risks, one of which is lifestyle and diet,” ani Dy na bihasa din sa larangan ng gastrointestinal oncology at endoscopy.
Ang mga modifiable risk factors ay ang mga nababagong salik tulad ng pagiging obese, paninigarilyo, pag-i-nom ng alak, walang ehersisyo, at madalas na pagkain ng pulang karne habang ang non-modifiable risk factors ay hindi mababagong salik gaya ng edad, kasarian at kung nasa lahi na ng pamilya ito.
Bagaman wala itong pini-piling estado sa buhay, edad at kasarian, mas malaki pa rin ang tyansa ng mga may family history ng sakit, 50-anyos pataas at kalalakihan na dapuan nito ngunit hindi ibig sabihin na maging kampante na ang nakababata.
Mga Sintomas
Madalas na walang sintomas ang colon cancer at nalalaman na lang kapag nasa malalang estado na dahilan upang hirap na matukoy kung dinapuan ka na nito.
Sa kabilang banda, mayroong ’red flags’ o mga pangunahing senyales na baka may problema na ang bituka tulad ng pamamayat nang walang dahilan, biglaang pagkakaroon ng anemia, pamumutla, walang gana kumain kahit hindi nagre-reduce, pagbabago sa laki at porma ng dumi, at pagdumi ng maitim na may kasamang sariwang dugo.
Hihintayin mo pa bang humantong ka sa mga alanganing sitwasyong ito kung kaya mo naman itong iwasan ng mas maaga?
Colonoscopy ang susi
Katulad ng breast cancer, maaagapan ang colon cancer sa pamamagitan ng healthy lifestyle at regular na pagpapa-check up bago pa man tumuntong ng 50-anyos. Ito ang edad kung saan ang pagtubo ng polyps ay nagsisimulang dumami, ito yung mga tila butlig na tumutubo sa mala-king bituka.
’’Colon cancer does not begin as cancer immediately; it starts with pre-malignant precursors called polyps. If left attended, these polyps grow over time, eventually becoming cancer,” paliwanag ni Dr.Dy.
Kaya naman sa isang pagpupulong kamakailan na naglalayong bigyang edukas-yon ang madla ukol sa sakit na ito, hinikayat niya na magpasuri ang mga edad 50 kahit na walang nararanasang sintomas.
Ito ay sa pamamagitan ng colonoscopy, isang proseso kung saan isang tubo na may kamera ang ipapasok sa puwet tungo sa digestion tract upang hanapin ang mga abnormal na tissue, polyp at tumor.
Ang kagandahan sa colonoscopy ay sa oras na ga-win ito ay maari na agad tanggalin ang makikitang polyps at hindi na kailangan pa ng o-perasyon. Kaya naman ito ang itinuturing na ‘gold standard’ o pinakamabisang paraan ng mga gastroenterologists sa kasalukuyan upang mahadla-ngan ang colon cancer.
Bukod dito, may iba pang pamamaraan upang matukoy kung posible kang magka-colon cancer ito ang fecal immuno chemical test, CT colonography at fecal DNA test na pinakabagong teknolohiya sa mga nabanggit.
Kung titignan, maselan at pribado ang colonoscopy kaya marami ang nagdadalawang-isip na sumailalim dito. Subalit sinabi ng eksperto na walang dapat ipangamba dahil kaligtasan naman ang kapalit nito.
‘Wag matakot
’’I talk to my patients, and tell them that these [colonoscopy] procedures should be done, and you feel the resistance. This is understandable given the nature of the procedure, but some of them are willing,” paliwanag ni Dr. Dy.
Sinabi rin niya na kaila-ngang sumailalim sa colonoscopy habang maaga dahil kung mapapabayaan ang polyp sa paglaon ng panahon, dito na ito magiging cancer kung saan mas magastos na gamutan ang mangyayari tulad ng operasyon, chemothe-rapy o radiotheraphy.
Mahal pero sulit
Bagaman may kamahalan ang colonoscopy ay sulit naman kung pangmatagalang kalusugan ng bituka ang pag-uusapan kaysa umabot pa sa mas malalang senaryo kung saan tiyak na mas mahal na gastusan ang magaganap.
Sa mga pribadong ospital, nagkakahalaga ito mula P25,000-P35,000 o mahigit pa habang sa mga pampublikong pagamutan ay nasa P3,500-P5,000 lamang ito at malaking tulong ang pagiging miyembro ng PhilHealth upang mapaliit ang bayarin.
Itutuloy…
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.