NANANAWAGAN ang isang paring Katoliko sa publiko na huwag nang tangkilikin ang Cebu Pacific Airways dahil sa kapalpakan nito sa paghawak ng mga pasahero.
Galit na galit si Fr. Joel Tabora sa Cebu Pacific dahil sa pagiging “insensitive” at walang kaalaman ng crew ng eroplanong sumadsad sa Davao airport.
Sinabi ni Father Tabora na kukumbisihin niya ang mga estudyante at faculty ng Ateneo de Davao University, kung saan siya ay presidente, na iboykot ang Cebu Pacific.
Isa si Tabora sa mga pasahero ng eroplano nang mangyari ang insidente.
Sabi ng pari, nang sumadsad ang eroplano sa damuhan ng Davao Airport, natulala ang flight crew at hindi alam kung anong gagawin.
Sa emergency, bawat sandali ay importante; kamatayan ang magiging kapalit kapag sinayang ang mga sandaling yun.
Pero ang crew ng Cebu Pacific ay walang training upang harapin ang emergency sa eroplano.
Kung nagkasunog sa eroplano gawa ng maling paglanding nito sa Davao airport ay baka lahat pasahero ay patay dahil nag-panic ang crew.
Dapat ay maturuan ang crew ng Cebu Pacific ng kanilang gagawin sa emergency upang huwag silang mataranta.
Magaling lang kasi ang mga flight stewardess ng Cebu Pacific na sumayaw sa harap ng mga pasahero.
Ibinasura ng piskalya ang kasong isinampa ng mga pulis-San Juan kay Michaela Joy Reyes, isang 23 anyos na housewife at ina ng dalawang paslit.
Ang mga kasong isinampa ay obstruction of justice, direct assault at physical injuries.
Bagkus, ang mga pulis—sina SPO1 Pablo Sillorequez Jr., PO3 Erich Joel Temporal at PO3 Jayvin Pangilinan, ay nahaharap sa kasong “pag-planting” ng droga sa isang inosenteng mamamayan.
Sa ilalim ng Comprehensive Anti-Drugs Law, ang “pagtatanim” ng droga sa isang inosenteng tao ay may kaparusahan na bitay sa sinumang gumawa nito.
(Pero dahil inalis na ang parusang bitay, habambuhay na pagkabilanggo ang ipinalit)
Lagot sina Sillorequez, Temporal at Jayvin!
Samantala, ang tatlo ay dinisarmahan at inilipat sa Bicutan police headquarters habang hinihintay nila ang kasong administratibo na isasampa sa kanila.
Si Michaela Joy ay tinamnan ng mga pulis ng shabu nang sila’y pumasok sa bahay ng babae noong dis-oras ng Biyernes.
Sinabi ng mga pulis hinuli nila ang babae sa buy-bust operation.
Kinuha nila ang perang P13,500 na nakita nila sa taas ng tokador ni Michaela Joy at sinabi nila na ebidensiya ito na siya’y nagbenta ng shabu.
Pinatotohanan ng mga kapitbahay ni Michaela Joy na walang buy-bust operation na nangyari sa loob ng bahay ng babae.
At paano naman magbebenta ng shabu si Michaela Joy samantalang siya’y nakahubad noong panahong yun?
Naging instrumento ang “Isumbong mo kay Tulfo” (DWIZ, 882 AM sa piitan ng radyo) sa paglalantad ng mga talamak na abusadong pulis.
Hindi tatantanan ng inyong lingkod (na host ng “Isumbong”) ang kasong pag-planting ng droga laban sa mga pulis.
Gagawin kong sampol ang tatlong pulis upang huwag na silang pamarisan.
Mula nang maipasa ang Comprehensive Anti-Drugs Law, parang wala pang pulis na ikinulong dahil sa pagplanting ng droga sa inosenteng mamamayan.
Malamang sina Sillorequez, Temporal at Pangilinan ang una.
Bakit tahimik yata ang Gabriela, isang party list group na ipinaglalaban daw ang karapatan ng kababaihan, sa kaso ni Michaela Joy?
Nakakabingi ang katahimikan ng Gabriela.
Pero nang magreklamo ang komedyanang si Ai Ai delas Alas na siya’y binubugbog ng kanyang asawa ay maingay ang Gabriela sa pagsabi na nasa likod sila ni Ai Ai.
Bakit? Dahil hindi sikat si Michaela Joy na gaya ni Ai Ai.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.