Petron Blaze Spikers asinta ang semis spot sa PSL Invitationals
Mga Laro Ngayon
(Filoil Flying V Centre)
3 p.m. Petron vs Foton
5 p.m. Cocolife vs Sta. Lucia
7 p.m. Generika-Ayala vs Cignal
Team Standings: Petron (3-0); Foton (2-1); Cignal (2-1); Generika-Ayala (1-1); Sta. Lucia
(0-2); Cocolife (0-3)
PILIT hahablutin ng powerhouse Petron ang unang silya sa semifinals sa pagpapatuloy ng aksyon ngayon ng Philippine Superliga (PSL) Invitational Conference sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.
Tiyak na ipapakita ng Blaze Spikers ang buong lakas sa pagsagupa nito sa mapanganib na Foton sa ganap na alas-3 ng hapon habang pilit na aahon ang Cocolife at Sta. Lucia sa hinaharap na pagkakapatalsik sa ikalawang salpukan dakong alas-5 ng hapon.
Pinakahuling magsasagupa ganap na alas-7 ng gabi ang Cignal at Generika-Ayala para sa importanteng panalo na magtutulak kapwa sa pagtuntong sa semifinals.
Bitbit ng Petron ang malinis na tatlong sunod na panalo matapos magsagawa ng revamp sa offseason para kapitan ang liderato at tsansa na unang koponang sasampa sa semifinals. Tinalo nito ang Sta. Lucia, Cignal at Cocolife bagaman inaasahang masusubok kontra sa nagpalakas din na Foton.
Hindi makakasama ng Foton sina Jaja Santiago at EJ Laure na naglalaro para sa kanilang mga unibersidad subalit aasahan nito ang solidong puwersa nina middle blocker Dindin Manabat at ang nakuha nito na NCAA Most Valuable Player na si Grethchel Soltones.
“We know that Foton is a contender every conference,” sabi ni Shaq Delos Santos, patungkol sa koponan na tumalo sa kanila sa finals ng 2016 PSL Grand Prix. “Kahit sinong players ang ilagay mo dyan, lalaban at lalaban talaga ang team na ‘yan. That’s why we have to be careful. We expect this match to be a very tough battle.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.