Ateneo Lady Eagles naka-7 diretsong panalo sa UAAP women’s volley
Mga Laro sa Sabado
(Filoil Flying V Centre)
8 a.m. UP vs UE (men)
10 a.m. UST vs Ateneo (men)
2 p.m. UST vs Adamson (women)
4 p.m. FEU vs Ateneo (women)
PINALAWIG ng Ateneo de Manila UniversityLady Eagles ang pagwawagi nito sa pitong sunod upang pahigpitin ang pagkapit sa liderato sa pagpapalasap ng kabiguan sa University of Santo Tomas Tigresses sa diretsong set, 25-10, 26-24, 28-26, sa UAAP Season 79 women’s volleyball tournament Miyerkules sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.
Pinigilan ng ekspiriyensadong Lady Eagles ang pagpipilit umatake ng Tigresses sa ikatlong set matapos makuha ang ilang set point advantage upang maiangat ang kabuuang kartada nito sa 8-1 panalo-talo at masiguro na ang isang playoff slot para sa Final Four.
Nahulog naman ang UST Tigresses sa kabuuang 5-4 kartada at nakisalo sa apat na koponang nasa ikatlong puwesto kasama ang University of the Philippines, Far Eastern University at National University.
Samantala, pinutol ng UP Lady Maroons ang apat na sunod nitong kabiguan matapos itong makabalik sa pagwawagi sa pagbigwas sa University of the East Lady Warriors sa loob ng apat na set, 25-14, 18-25, 25-15, 25-10, sa unang laro.
Sinandigan ng Diliman-based na Lady Maroons sina Diana Mae Carlos na may 21 puntos, Katherine Bersola na may 18 at Maria Lina Isabel Molde na may 16 puntos upang buhayin ang pag-asa sa semifinals sa pagpapaangat nito sa kabuuang 5-4 panalo-talong karta.
Itinala ni Carlos ang 15 kills, apat na service ace at pares ng blocks para sa kanyang 21 puntos habang nakabalik si Bersola sa pagtatala ng iskor tampok ang kanyang 15 spikes. Tumulong din si Arielle Estranero na nagbigay ng 42 excellent sets para sa Lady Maroons.
Nahulog naman ang UE Lady Warriors sa ikalawang sunod na kabiguan tungo sa kabuuan nitong 1-8 record kahit nagtala si Shaya Adorador ng 12 puntos habang ang national team pool member na si Roselle Baliton ay may 25 excellent sets at walong puntos para sa Lady Warriors.
Sa men’s division ay tinalo ng NU ang Adamson University, 25-21, 25-12, 25-19, upang itulak pa sa pitong sunod ang kanilang panalo at makasiguro ng playoff sa Final Four.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.