Solo second spot nahablot ng DLSU Lady Spikers
Mga Laro sa Sabado
(Araneta Coliseum)
8 a.m UST vs UE (men)
10 a.m. ADMU vs UP (men)
2 p.m. UST vs UE (women)
4 p.m. Ateneo vs UP (women)
NAGPAKATATAG ang nagtatanggol na kampeong De La Salle University sa loob ng tatlong set upang biguin ang Far Eastern University, 25-5, 25-23, 25-23, tungo sa pagkapit sa solong ikalawang puwesto sa pagsisimula ng ikalawang round ng UAAP Season 79 women’s volleyball sa Filoil Flying V Centre, San Juan City.
Nalimita ng Lady Spikers sa season record na lowest points sa isang set na limang puntos ang Lady Tamaraws lamang bago tuluyang pinigilan sa huling dalawang set para sa kabuuan nitong 6-2 panalo-talong karta.
“Medyo kailangan pa talaga namin baguhin ang laro ng team. Nagre-relax talaga kapag nakakuha ng set eh,” sabi ni Lady Spikers team captain Kim Fajardo na may isang puntos lamang sa set ngunit nagtala naman ng 44 excellent sets sa laro.
Nalasap naman ng FEU ang ikalawang sunod na kabiguan para mahulog sa 4-4 panalo-talong kartada.
Samantala, muntik pa maunsiyami ang pagwawalis sa laro ng National University Lady Bulldogs matapos na maghabol sa ikatlong set bago na lamang tuluyang nauwi ang 25-21, 25-20, 25-19 straight set na panalo kontra Adamson University Lady Falcons sa unang laro.
Naghabol ang Lady Bulldogs sa pitong puntos na pagkakaiwan bago kinumpleto ang panalo upang maiangat nito ang kabuuang kartada sa 5-3 panalo-talong record.
“Hindi pwedeng ganyang klase lang ang laro. Ang susunod naming kalaban, La Salle, kada laro, iba-iba emosyon ng mga bata, iba-iba ang karakter nila sa laro,” sabi ni Gorayeb.
Umiskor si Jaja Santiago ng 15 puntos tampok ang 13 attacks at pares ng block habang nag-ambag si Jorelle Singh ng 10 puntos para sa Lady Bulldogs.
Ang kabiguan ay ika-15 sunod naman ng Adamson dagdag pa ang huling laban noong nakaraang season upang tuluyang mapatalsik sa labanan para sa apat na silya sa semifinals.
Itinala naman ng naghahangad sa ikatlong sunod na korona na Ateneo de Manila University ang ikawalong sunod na panalo sa pagbigo muli sa FEU, 25-16, 25-9, 25-18, sa men’s division upang agad na makasiguro ng playoff sa Final Four slot.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.