OFWs baon pa rin sa utang | Bandera

OFWs baon pa rin sa utang

Susan K - March 08, 2017 - 12:10 AM

WALA pa ring nababago sa kuwento ng mga OFW. Mula sa simula hanggang sa wakas, makulay pa rin ang tunay na buhay ng isang OFW.

Para makapag-abroad, namumuhunan nang husto ang isang OFW. Sisimulan nitong ipangutang ang lahat ng mga dokumentong kakailanganin makaalis lang papunta ng ibang bansa.

May puhunan talaga ang pag-aabroad. Maraming pera ang ginugugol nila mula sa pag-aaplay pa lamang hanggang sa aktuwal nitong pag-alis ng bansa.

Ngunit hindi rito nahihinto ang kuwento kahit nakaalis na ang OFW. Kadalasan, ang malaking halaga nang ipinambayad nilang recruitment fee sa agency ang siyang dahilan ng pagkakabaon pa nga nila sa utang.

Labis-labis na bayarin ang ipinapataw sa isang OFW gayong hindi iyon naaayon sa batas. Palibhasa desididong makaalis kung kaya’t kahit magkano, pikit-mata nilang ipangungutang kahit malaki ang interes na ipapataw basta makapag-abroad lamang.

Malaking papel ang ginagampanan dito ng ahensiya. Kahit lisensiyado pa sila, malaya nilang ginagawa ang mga pang-aabuso sa ating mga OFW.

Dahil sa labis nilang kasakiman na kumita nang malaki sa bawat ulong napapaalis ng bansa, kapalit nito ang pagkabaon sa utang at pagkakasadlak sa mas mahirap na kalagayan ng OFW.

Kahit kasi nasa abroad na, patuloy nilang pinagdurusahan ang mga kasakimang ito ng kanilang ahensiya. Maaaring binabawas iyon sa kanilang sahod o salary deduction.

Kukuntsabahin din ng mga ahensiyang ito ang kanilang counterpart na agency at oobligahin ang mga foreign employer na bawasan ang sahod ng kaawa-awa nating OFW.

Siyempre hindi iyon ang inaasahan ng ating kabayan.

Bago pa kasi siya umalis ng Pilipinas kuwentado na niya ang kikitain pati na ang eksaktong halaga ng kaniyang ipadadala sa pamilya.

Kaya kung direktang babawasan siya ng suweldo, tiyak na magkukulang ang inaasahang remittances.

Bukod pa sa mga utang na ipinangako ng ating OFW na agad niyang babayaran pagdating sa abroad.

Ngunit may mga sitwasyon ding kapamilya pa nila sa Pilipinas ang nananagot sa mga inutang ng OFW.

Tulad ng isang mister, nakakita ito ng kalaguyong OFW din. Tuwiran niyang tinalikuran ang pamilya pati na lahat ng obligasyon sa pagbabayad sa perang nautang para sa kaniyang recruitment fees.

Kaya ang kaawa-awang pamilya, wala na ngang inaasahang padala mula sa OFW, nagkanda baon-baon pa sa utang dahil sa paga-abroad ni kabayan.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Lalo pang nadagdagan ang kanilang problema. Sa halip na kabuhayan na lamang sa pang araw-araw ang kanilang iisipin, may utang pa na nakakagulo sa kanila.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending