Ikatlong sunod na panalo sa PBA Philippine Cup nasungkit ng SMB kontra Ginebra
TINALO ng San Miguel ang Ginebra, 91-85, sa Game 5 ng kanilang championship series para tapusin ang serye sa 4-1 at higit sa lahat, maiuwi ang ikatlong sunod na PBA Philippine Cup title Linggo ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Nasungkit ng Beermen ang inaasam na All-Filipino Conference ”Perpetual trophy” bilang maging pangalawang koponan sa liga na nakasungkit nito kasunod ng Talk N’ Text noong 2011-2013.
Ito na ang ika-23 korona (37 finals appearance) ng San Miguel sa kabuuan kung saan pito dito ay mula sa Philippine Cup na parehong pinakamarami sa kasaysayan ng PBA.
Kapwa naghulog sina Junemar Fajardo at Arwind Santos ng 21 puntos habang si Alex Cabagnot ay may iniambag na 18 puntos para isuot sa San Miguel ang ikaapat nitong korona sa loob ng pitong conference, lahat ay sa pagtitimon ni Coach Leo Austria.
Si Chris Ross, na nakamit ang kanyang back-to-back Finals MVP award para sa parehong kumperensya, ay tumapos ng halos triple-double sa ginawang 12 puntos, walong rebounds, sampung assists at anim na steals.
Hindi sumuko hanggang sa huli, humarurot ang Gin Kings pagdating ng second half para makita ng Beermen ang 51-41 halftime lead na maputol sa isa, 70-69, sa likod ni Sol Mercado may 08:39 minuto pa laban ngunit agad na bumalik sa laro ang Beermen para iposte ang 81-72 lead sa layup ni Santos, 05:16 pa ang nalalabi.
Isinalpak ni LA Tenorio ang dalawang mahalagang tres at dumakdak si Japeth Aguilar tungo sa 11-3 run sa krusyal na bahagi ng fourth quarter para ilapit muli ang Ginebra, 84-83, sa huling 02:28 minuto.
Subalit bigong ihulog ni Japeth Aguilar ang dalawang three-point shot sa 1:36 at 1:04 mark habang ibinuslo ni Fajardo ang isang jumper at isang free throw ang ibinagsak ni Cabagnot para gawing 87-83, 01:30 na lamang sa orasan.
Ipinasok ni Ross ang isang follow-up shot matapos isablay ni Cabagnot ang isang jumper sa huling 47 segundo para kunin ang 89-83 kaluwagan para sa Beermen.
Hindi na nasundan pa ng Ginebra ang San Miguel nang hindi maisalpak ni Joe Devance ang tira mula sa tres na didikit sana sa San Miguel sa sumunod na play na sinundan ng panapos na slam dunk ni Santos sa huling 24 segundo. Nakaiskor pa si Aguilar sa huling 12 segundo pero huli na ang lahat para sa Ginebra.
Nanguna para sa Kings ang apat starters na sina Aguilar, Devance, Mercado at Tenorio na may 26, 20, 20, at 10 puntos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.