Ginebra pinadapa; SMB 3-1 lead na
Maagang nagpakitang-gilas ang San Miguel at pinatid ang paghahabol ng Ginebra sa huling bahagi ng Game 4 upang angkinin ang 94-85 panalo para sa 3-1 lead ng best-of-seven 2017 PBA Philippine Cup Finals Biyernes ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Agad na bumira ang mga shooters ng Beermen mula sa three-point range sa first quarter sa pangunguna ni Marcio Lassiter para iposte ang maagang 20-2 abante tungo sa 55-34 kalamangan sa first half kung saan pumukol ang Beermen ng 11/21 na tres kumpara sa maalat na 0/5 ng Gin Kings.
Dahil sa mahusay na pagwawagi, lumapit ang Beermen sa kampeonato at kung muli silang mananaig sa Game 5 sa Linggo ay maiuuwi na nila ang ikatlong sunod na titulo ng Philippine Cup at higit sa lahat, ang pinakaaasam na All-Filipino Conference perpetual trophy na tanging TNT KaTropa pa lang ang nakakakuha.
Tumapos si Lassiter na may 20 puntos, tatlong rebounds at apat na assists habang si Junemar Fajardo na tinanghal na Best Player of the Conference ay may 20 puntos din kasama ang 13 rebounds.
Ito ang ikalimang BPC award ni Fajardo (ikaapat para sa All-Filipino Cup )katabla ang dati ring San Miguel star at nagsilbi niyang mentor na si Danny Ildefonso.
Naipagpatuloy rin ng matinik na backcourt duo nina Chris Ross at Alex Cabagnot ang magandang paglalaro nila noong game 3 upang mag-ambag ng 17 at 13 puntos.
Dumikit ang Ginebra papasok ng pinal na yugto matapos maibaba sa 13 ang 26 puntos na lamang ng San Miguel, 63-76, kung saan kinamada ni Joe Devance ang 14 sa ginawang 22 puntos sa third quarter.
Naibaba pa ng Kings sa pito ang lamang ng Beermen, 85-92, may 01:17 pang natitira ngunit mula sa puntong iyon ay hindi na nakabuslo pa ang Kings at isang side step shot ni Fajardo sa huling siyam na segundo ang tuluyang sumelyo sa panalo ng Beermen.
Nagdagdag naman ng tig-12 puntos sina LA Tenorio at Japeth Aguilar para sa Ginebra.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.