Government official kabi-kabila ang threat
HINDI biro kundi totoong muntik nang ma-assassinate ang isang government official nang siya ay magpunta sa isang event sa Mindanao.
Bagama’t meron siyang grupong pinangalanan na nasa likod nang pagtatangka sa kanyang buhay ay meron pang isang anggulo ang kanilang sinisilip sa kasalukuyan.
Sinabi ng ating Cricket na malaki ang hinala ni Sir na may kulay pulitika ang nabigong pagtatangka sa kanyang buhay.
Sa dami ng kanyang nakabangga mula pa noong araw ay kakaibang mga threats daw ngayon ang kanyang kinakaharap.
Nauna na niyang sinabi na isang sniper at isang bomb expert ang unang nagplano nang pagpatay sa kanya.
Kaya naman nag-iba sila ng ruta habang papunta sa venue kung saan ay naging guest speaker ang ating bida.
Dito sa Metro Manila ay naging madalang na rin ang kanyang naging public engagement dahil sa pag-iingat na ipinayo rin sa kanya ng ilang mga tauhan.
Sinabi ng ating Cricket na pati ang panonood ng kanyang paboritong sports ay hindi na rin muna niya ginagawa at sa TV na lang siya nagmomonitor ng mga kaganapan dito.
Kung dati ay lumang Van ng kanyang tanggapan ang kanyang gamit, ngayon ay sulit na sulit daw ang paggamit niya sa bullet proof na SUV na ipinahiram ng isang mayaman na negosyante para sa kanyang kaligtasan.
Marami rin ang nakapansin na hindi na masyadong pabida ang ating bida at limitado na rin ang kanyang exposure sa media bagay na mas makakabuti dahil sa mga kontrobersiyang kinakaharap ng kanilang tanggapan.
Bagama’t matapang ay nag-iingat na rin ngayon si Sir dahil may posibilidad ayon sa ating Cricket na mismong mga kasamahan niya o kabaro ang magtangka sa kanyang buhay.
Ang opisyal ng gobyerno na halos doblehin na ang seguridad dahil sa kabi-kabilang banta sa kanyang buhay ay si Mr. R…..as in Rock.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.