Gwapong veteran actor wais sa pera, takot na takot gumastos
NAKAKAALIW na nakakaloka ang mga kuwentong umiikot ngayon tungkol sa isang aktor na medyo nagkakaedad na pero maraming kababaihan pa rin ang napakikilig niya.
Guwapo kasi siya, popular na popular nu’ng kanyang kapanahunan, matagal siyang nawala pero nang magbalik ay muling tinanggap ng kanyang mga tagahanga.
Hindi ang itsura ng aktor na parang walang kupas ang iniikutan ng mga chika tungkol sa kanya.
Maraming kuwento tungkol sa aktor, pero ang pinakamatindi, ang husay pa rin niyang humawak ng pera.
Bumibida sa isang serye ang aktor, wala namang problema sa kanyang pag-arte, propesyonal siya at alam mong mahal ng lalaking personalidad ang kanyang trabaho.
“Naloloka lang sa kanya ang ibang mga kasamahan niyang artista, pati ang ibang miron sa set, dahil talagang ganu’n pa rin siya, makuwenta.
“Maingat siya sa pera, oo totoo ‘yun! Pero pati ba ang resibo lang ng kape na ininom niya habang papunta siya sa location, kailangan pa ring pabayaran sa production?
“Magkano lang naman ba ‘yun? Ni hindi nga ‘yun makababawas sa kung anumang meron siya, di ba?
Nakakaloka siya! Resibo ng kape, kailangang singilin pa niya sa production?” napapailing na kuwento ng aming source.
At hindi lang ‘yun. Kapag malapit lang ang lugar ng kanyang trabaho ay gumagamit siya ng sariling sasakyan, pero kapag medyo may kalayuan na, kailangan na siyang gumamit ng service ng istasyon.
“Marunong talaga siya. Bakit daw niya gagamitin ang car niya, e, ni hindi nga niya alam ang kundisyon ng malayong lugar na dadayuhin niya? Paano raw kung lubak-lubak pala ang kalye, paano raw kung may magasgas sa sasakyan niya?
“Talagang ganu’n na siya! Araw-gabi siyang kuring, nakakuyom ang mga palad! Day and night, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, araw at gabiiiiii!” pagtatapos ng aming impormante.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.