Fajardo namumuro sa ika-5 niyang Best Player of the Conference award
NAMUMURO na si June Mar Fajardo ng San Miguel Beer na makuha ang kanyang ikalimang Best Player of the Conference (BPC) award.
Sa pagtatapos ng 2017 PBA Philippine Cup semifinals ay nangunguna sa liga ang three-time Most Valuable Player (MVP) na si Fajardo sa nalikom na 43.4 statistical points (SP) mula sa mga average na 19.4 puntos, 15.2 rebounds at 2.4 blocks kada laro.
Kapag napunta kay Fajardo ang BPC ay mapapantayan niya si Danny Ildefonso na nanalo ng limang BPC awards bago nagretiro sa liga.
Pumapangalawa naman si Terrence Romeo ng Globalport na may 40.2 SP. Nangunguna siya sa scoring sa average na 28.2 puntos kada laro. May average din siyang 6.1 assists, 4.2 rebounds, at 1.4 steals.
Nasa third place naman si Calvin Abueva ng Alaska na may malayong 31.9 SP. Nag-average siya ng 16.8 puntos, 9.0 rebounds, 2.4 assists, 1.4 steals at 1.4 blocks.
Laglag na sa torneo ang Globalport at Alaska habang maglalaban naman sa best-of-seven Finals series ang San Miguel Beer at Barangay Ginebra.
Bukod kay Fajardo, nasa Top 5 din ang mga kakampi niyang sina No. 4 Arwind Santos na may 31.79 SP at No. 5 Alex Cabagnot na may 31.76 SP.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.