MUKHANG marami ang hindi natuwa sa balita na balak ng gobyerno na buwisan na rin ang
premyo sa lotto— ang pag-asa ng marami na mag-aahon sa kanila sa kahirapan.
Ngayon kasi ay buong buo mong makukuha ang premyo mo. Walang ikinakaltas na buwis.
Siyempre hindi payag ang mga mananaya rito. Bakit naman daw kailangang buwisan pa kung kumikita na rito ang gobyerno sa pamamagitan ng Philippine Charity Sweepstakes Office?
Ang lotto ay ginawa para makalikom ng pondo ang PCSO na itutulong sa mga mahihirap na walang pampagamot.
Sa bawat P1 na itinataya sa lotto ang 55 sentimos ay napupunta sa Prize Fund kung saan kinukuha ang ibinabayad sa mga nanalo.
Ang 30 sentimos naman ay napupunta sa Charity Fund na ipinantutulong ng PCSO sa mga pasyente na walang pambayad sa ospital. Dito rin yata galing ang ipinambibili ng mga ambulansya na ibinibigay sa mga government institutions.
Ang natitirang 15 sentimos ay para naman sa operasyon ng lotto.
Kaya sa bawat pagtaya ay nakakatulong ka na, may tiyansa ka pang ma-ging milyonaryo. Medyo maliit nga lang ang tiyansa na ito sa dami ng number combination na maaaring lumabas.
Kung nakakatulong na bahagi ng perang itinaya, bakit daw bubuwisan pa ang premyo?
Hirit naman ng isa, ang dapat buwisan ng gobyerno ay ang mga naglalaro sa casino.
Wala naman umanong mahirap na pumupunta roon bagamat merong mga pumupunta na mahirap na pag labas dahil sa dami nang naipatalong pera at nangutang na para ma-kabawi.
Mas marami umanong pera ang mga nagka-casino kaya sila na lang ang kunan ng gobyerno ng pondo nito.
Andami-daming magagandang ordinansa na ipinasa ang bayan ng San Mateo sa lalawigan ng Rizal.
Nariyan ang pagbabawal sa pagmamaneho nang walang helmet (na isa ring national law), at ang pagbabawal sa pagpaparada sa mga piling lugar upang magamit nang maayos ang kalsada at hindi magdulot ng pagsisikip ng daloy ng trapiko.
Ang problema lang, hindi ito naipatutupad nang maayos.
Kabi-kabila pa rin ang mga nagmamaneho ng motorsiklo nang walang suot na helmet. Kung walang helmet ang driver, e mas malabo na mag-helmet ang angkas nito na sa maraming pagkakataon ay bata pa.
Nilalagpasan lang nila ang mga traffic enforcer ng San Mateo na nagmumukha tuloy kawawa dahil hindi kinatatakutan o iginagalang man lang ng mga lumalabag sa batas trapiko.
May mga pagkakataon pa na hindi humihinto ang mga sasakyan na kanilang pinahihinto— lalo na ang mga motorsiklo.
Kung paghuhulihin ang mga ito ewan ko lang kung hindi magsipagsuot ng helmet ang mga driver na ito.
Ayaw kasing hulihin kaya nilalagpas-lagpasan lang sila.
Bukod pa rito, kung saan din nagtatawiran ang mga tao at nakakadagdag din ito sa pagbagal ng daloy ng trapiko.
Bakit hindi raw kaya manghuli na rin ng jaywalking? Kapag mayroon ng mga hinuhuli tiyak na magtitino umano ang mga ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.