Quitoy nanguna sa Stage 10 ng Ronda Pilipinas
TAGAYTAY City – Gamit ang hiram na bisikleta ay inangkin ni Roel Quitoy ng Team Mindanao Lunes ang 148 kilometrong Stage Ten matapos maungusan ang defending champion at kasalukuyang overall leader na si Jan Paul Morales ng Navy-Standard Insurance sa labanan sa finish line sa ginaganap na 2017 Ronda Pilipinas.
Mag-isang kumawala ang 25-anyos na si Quitoy, na mula sa Zamboanga City, sa huling 20 kilometro sa akyatin sa Sampaloc, lugar ng Talisay, Batangas bago na lamang hinabol ni Morales upang magkasunod na pumasok sa finish line sa itinala na 3 oras, 25 minuto at 29 segundo at 3:25:31.
“Kumawala na po ako dahil alam ko akyatin na ang susunod na daanan,” sabi ng bike mechanic na si Quitoy, na inuwi ang kanyang unang pagwawagi sa yugto sa kanyang dalawang taong pagsali sa pinakamalaking karera kung saan ang tanging pinakamataas nito ay ang ikatlong puwesto sa Individual Time Trial noong 2015.
“Gusto ko rin po pasalamatan ang pamilya ko, ang dalawa kong anak at ang manager namin na si Paul Tan na siyang nagpahiram sa akin ng bisikleta para makasali ako rito sa Ronda,” sabi pa ni Quitoy.
“Gusto ko rin pasalamatan si Jan Paul (Morales) dahil nakipagpalitan siya sa akin sa trangko,” sabi ni Quitoy sa karera na nakataya ang P1 milyong premyo sa tatanghaling kampeon mula sa presentor LBC katulong ang MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Partas, Maynilad, Standard Insurance, CCN, Bike Xtreme, NLEX, PhilCycling at 3Q Sports Event Management.
Ikatlo at ikaapat sina Ronnilan Quita ng Kinetix Lab-Army at Jay Lampawog ng Navy (3:26:50) habang ikalima si Rudy Roque ng Navy (3:27:15). Ikaanim at ikapito ang Army riders na sina Marvin Tapic (3:27:46) at Cris Joven (3:27:49) habang ikawalo hanggang ikasampu sina Lloyd Lucien Reynante, Joel Calderon ng Navy at Jheffson Sotto ng Team Ilocos Sur sa 3:27:49.
Namumuno pa si Morales sa Sprint leader sa natipon na 103 puntos at King of the Mountain (26 puntos).
Iniangat din ni Morales ang abante sa nabulabog na labanan para sa overall individual classification o red jersey sa apat na minuto at 26 segundo sa tinipon na 33 oras, 26 minuto at 24 segundo sa kakampi na si Roque (33:30:50).
Umakyat si Joven (33:34:39) sa ikatlong puwesto mula sa ikalima habang ikaapat na si Lampawog (33:37:48) mula sa ikasampu. Nahulog si Jonel Carcueva (33:38:40) ng Go for Gold sa ikalima mula sa ikaapat habang nanatili si Bryant Sepnio (33:39:09) ng Go for Gold sa ikaanim.
Ikapito hanggang ika-10 sina Leonel Dimaano (33:39:28) ng RC Cola-NCR, Ryan Serapion (33:41:39) ng Team Ilocos Sur, Daniel Ven Carino (33:42:51) ng Navy at Quita (33:45:29) .
Nanatili rin sa overall team standings ang Navy (134:59:29s) habang inagaw ng Kinetix Lab-Army ang ikalawang puwesto na napag-iiwanan ng 47:07 sa 135:46:37 oras habang ikatlo na ang Team Ilocos Sur (137:14:12).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.