Bakbakan sa Davao: 5 patay, 15 sugatan
DALAWANG sundalo at tatlong kasapi ng New People’s Army ang napatay habang 15 pang kawal ang nasugatan sa mga sagupaan sa Davao City Huwebes, iniulat ng militar Biyernes. Naganap ang mga sagupaan tatlong araw lang bago muling magsagawa ng mga aktibidad ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa lungsod. Pinakahuli sa mga sagupaan ay naganap sa hangganan ng Brgys. Lacson at Lamanan sa Calinan district dakong alas-4, sabi ni Maj. Ezra Balagtey, civil-military operations officer ng Armed Forces’ Joint Task Force Haribon na nakabase sa Davao. Dalawang sundalo ang nasawi at 15 pa ang nasugatan nang pasabugan ng NPA ng landmine ang mga tropa ng pamahalaan, sabi ni Balagtey sa ulat na ipinadala sa mga reporter. Ang mga naturang kawal, pawang mga miyembro ng Army 3rd Infantry Battalion, ay sakay noon ng limang KM250 at KM450 truck, ayon sa isa pang ulat ng militar. Tinutugis noon ng mga kawal ang isang grupo ng mga armado na nanunog ng pineapple harvester ng Del Monte sa Brgy. Tawantawan, doon din sa Calinan, Huwebes ng tanghali, ani Balagtey. Nagkapalitan ng putok matapos ang sumabog ang landmine, at dito napatay ang dalawang rebelde, aniya. Nakarekober din ng isang kalibre-.45 pistola, Garand rifle, dalawang improvised explosive device, at mga gamit panggawa ng landmine mula sa mga rebelde, ani Balagtey. Ang mga naturang rebelde’y pinaniniwalaang kasapi ng 1st Pulang Bagani Company ng NPA Southern Mindanao Regional Committee, ayon sa militar. Ilang oras bago iyon, dakong alas-5 ng umaga, isa pang rebelde ang napatay sa sagupaan sa Sitio Binaton, Brgy. Malabog, Paquibato district, kung saan pinaputukan ng NPA ang isang detachment ng mga militiamen, ani Balagtey. Tinutugis na ng mga kawal ang mga rebelde at sinusuyod ang iba-ibang bahagi ng lungsod para sa iba pang bomba na maaaring naitanim ng NPA, sabi ni Brig. Gen. Gilbert Gapay, commander ng JTF Haribon. Kasalukuyang naghahanda ang Davao City para sa pagdaraos ng ASEAN Labor Ministers’ retreat mula Pebrero 19 hanggang 20, at ASEAN Committee on Migrant Workers Meeting mula Pebrero 21 hanggang 22. Nagpakalat ng 3,842 pulis, sundalo, at tauhan ng iba pang ahensiya para bantayan ang mga naturang event, pati ang ilan pang aktibidad ng ASEAN na isinagawa noong nakaraang linggo, ayon sa pulisya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.