MUKHA yatang kabi-kabilang nakawan ang napapabalitang kinasasangkutan ng ating mga OFW sa iba’t-ibang panig ng mundo.
At hindi lang basta pag-umit ito nang hindi gasinong kalakihang halaga ng salapi, kundi milyun-milyong pisong halaga iyon ng pera at mga alahas. Palaging palusot kapag nahuli, kailangang-kailangan umano ng kanilang pamilya sa Pilipinas. Pero hindi pupuwede at hindi katanggap-tanggap ang ganoong alibi.
Masesentensiyahan pa rin sila ng ilang taong pagkakabilanggo dahil sa paggawa ng naturang krimen.
Sa Hong Kong, isang OFW ang natuklasang nagnanakaw sa kanyang employer sa loob ng ilang mga buwan na. Nang mahuli ito, inamin naman niyang ninanakawan nga niya ang kanyang amo.
At siyempre ang bulok na rason: Kailangan ng pamilya sa Pilipinas.
Hindi lang iyon. Nalaman pang ipinangsugal pa ito ng OFW sa Macau.
Hinanap at tinubos ng kanyang employer sa may 24 na mga ahensiyang pinagsanglaan nito ang kaniyang mga alahas, ngunit hindi na rin niya nakuha ang iba pa.
Ito ang problema sa tao. Hindi lamang sa mga OFW. Hindi na sila makuntento sa kung ano ang mayroon sila. Talagang pinag-iinteresan ang bawat may halagang makita nila.
Sa mga kaso ng pagnanakaw tulad nito, mas mabigat ang kinakaharap nilang kaparusahan.
Dito nga sa Pilipinas kapag pinagnakawan ng kasambahay ang kaniyang amo, ayon sa mga abogado, Qualified Theft ang kaso niya. At magsisilbi siya ng mahabang taong pagkabilanggo.
May elemento ng tiwala kung bakit nakakapagnakaw ang mga kawatan. Hindi naman sila makakalabas-masok sa silid ng kanilang amo kung walang tiwala sa kanila ang kanilang pinagsisilbihan.
Pero nasisira nga ang tiwalang ito na ibinigay ng kanilang mga amo dahil sa personal na interes.
Kaya nga, tiwala ang unang ninanakaw ng mga ito, kaya dapat lang na pagbayarin nila ito.
Nakalulungkot nga namang isipin na hindi naman kasama sa planong pag-aabroad ang pagnanakaw.
Wala rin naman sa kontrata nilang pagnanakawan ang kanilang mga amo.
Pero dahil sa kung minsan nalulugmok sa masamang bisyo tulad ng sugal, alak at babae, isama pa diyan ang walang kamatayang paghingi ng pera ng mga kapamilya sa Pilipinas, kung kaya’t natutukso ang ilan nating mga kababayan na gumawa ng masama.
May iba namang kinagawian na ang pagnanakaw sa kanilang mga amo, lalo pa kung matatanda na ang mga iyon at nag-uulyanin na.
Pero hindi pa rin sila patutulugin ng kanilang mga kunsensiya kung gumagana pa ang mga iyon.
Makuntento na lamang sana, taglay ang malinis na budhi upang taas-noong humarap sa iba at sabihing “naging tapat kayo sa buong panahon ng inyong pag-aabroad.”
***
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM mula Lunes hanggang Biyernes, alas-10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali. May audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.