Arellano Lady Chiefs lumapit sa NCAA women’s volley crown
LUMAPIT sa titulo ang Arellano University Lady Chiefs matapos nitong palasapin ng kabiguan ang San Sebastian College Lady Stags sa loob ng limang set, 18-25, 25-16, 25-11, 26-28, 15-13, sa Game Two ng NCAA Season 92 women’s volleyball finals Biyernes sa Filoil Flying V Centre, San Juan City.
Itinala ng Arellano ang pagwawagi sa loob ng mahigit dalawang oras at kalahati na labanan upang mangailangan na lamang ng isang panalo para bawiin ang korona na nagawa rin nitong mauwi kontra San Sebastian noong Season 90.
Pinamunuan ni Rhea Ramirez ang Lady Chiefs sa itinala nitong 81 excellent sets para baliktarin ang sitwasyon sa kampeonato kung saan kailangan ngayon ng Lady Stags na magwagi ng dalawang sunod para mauwi ang korona.
Kinumpleto ni Grethcel Soltones ng San Sebastian ang kanyang paglalaro sa kolehiyo sa pagsungkit sa kanyang ikatlong sunod na Most Valuable Player.
Iginawad kay Soltones, na pinamunuan ang Lady Stags sa pagsabak sa apat na kampeonato sa kanyang limang taon sa torneo, ang pinakamataas na karangalan bago ang Game Two ng women’s volleyball finals.
Kasama sa iginawad na MVP sa 21-anyos na business management student na si Soltones ang pagiging 1st Best Outside Spiker. Maliban kay Soltones, na hindi pa rin nakakapag-uwi ng titulo sa kanyang paglalaro sa torneo, ang mga kakampi na Lady Stags na sina Vira Guillema bilang Best Setter at Alyssa Eroa na Best Libero.
Ang Lady Chief na si Jovielyn Prado ang kinilala bilang 2nd Best Outside Spiker habang sina Lourdes Clemente at Coleen Bravo ng University of Perpetual Help ang 1st at 2nd Best Middle Blockers. Napunta kay Karen Montojo ng Jose Rizal University ang pagkilala bilang Best Opposite Spiker.
Inuwi naman ni San Beda College Francesca Racraquin ang Rookie of the Year award.
Samantala, limang karangalan ang inuwi ng Lyceum of the Philippines University sa pamumuno ni Genesis Allan Redido na tinanghal na Juniors MVP.
Pinarangalan naman bilang 1st Best Outside Spiker si Ederson Rebosura ng EAC, 2nd Best Outside Spiker si Francis Casas ng EAC, Best Libero si Zachkhaery Dablo ng Arellano, Best Setter si Sean Michael Escallar ng LPU, 1st Best Middle Blocker Valeriano Sasis III at 2nd Best Middle Blocker si Allen Angelo Calicdan ng LPU, Best Opposite Spiker si Robbie Pamittan ng Arellano at ang Rookie of the Year ay si Juvic Colonia ng Lyceum.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.