Pinayagan na ng Sandiganbayan First Division si dating Sen. Ramon Bong Revilla Jr., na makadalaw sa kanyang ama na ooperahan ngayong araw (Miyerkules).
Pero binawasan ng korte ang oras na maaaring makalabas si Revilla sa kanyang detention cell sa Philippine National Police Custodial Center.
Si Revilla ay pinayagang lumabas ngayong araw mula 7 hanggang 11 ng umaga at bukas (Huwebes) mula 4 ng hapon hanggang 8 ng gabi.
“For humanitarian considerations, and there being no objection interposed by the prosecution, the Court partially grants the motion, but for shorter periods,” saad ng desisyon.
Sa kanyang mosyon, hiniling ni Revilla na makalabas ngayong araw mula 6 ng umaga hanggang 12 ng tanghali at bukas mula 2 ng hapon hanggang 8 ng gabi.
“This Honorable Court itself has declared that under similar exceptional circumstances in the future, the Court will not hesitate to grant any motion that may be filed by accused Revilla and/or co-accused to leave their detention cell.”
Sinabi ni Revilla na nais niyang makapiling ang kanyang 89-taong gulang na ama na sasailalim sa “transarterial aortic valve replacement” ngayong araw.
Ang nakatatandang Revilla, na dati ring senador, ay mayroong “severe aortic stenosis”. Siya ay dinala sa St. Luke’s Medical Center sa Bonifacio Global City noong Enero 20.
“Senator Revilla thus feels it is his obligation to come to the aid of his father, who is very close to him, even by his mere presence, and cannot disregard a son’s natural urge and desire to visit and be with his ailing and weak father, and spend a few moments together, to provide former Sen. Revilla Sr., the needed assurance and support,” saad ng mosyon.
Si Revilla ay nahaharap sa kasong plunder kaugnay ng pagtanggap umano ng kickback o komisyon mula sa non-government organization ni Janet Lim Napoles kung saan napunta ang kanyang pork barrel fund.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.