TINAWAG ni Pangulong Duterte na ‘spoiled brat’ ang New People’s Army (NPA) matapos namang ipasuspinde ang usapang pangkapayapaan sa Communist Party of the Philippines (CPP)- National Democratic Front (NDF). “I tried my best to make peace with everybody. There’s a looming danger sa ISIS. Ito naman komunista, hindi ko gustong…They are spoiled brat. Akala mo sila ‘yung nasa gobyerno kung mag-make ng demand,” sabi ni Duterte sa isang talumpati. Nauna nang inihayag ni Duterte na ititigil na ang usapang pangkapayapaan sa CPP-NDF matapos naman ang sunod-sunod na pag-atake sa mga sundalo at pulis. ” Kaya ako pinatay nila ‘yung during…Sabi nila February 10, walang pang-February 10 pinagpapatay na nila ‘yung sundalo ko pati pulis—ay anak ng… Wala na sige, giyera tayo,” ayon pa kay Duterte. Idinagdag pa ni Duterte na hindi na posible ang kapayapaan sa ilalim ng kanyang henerasyon. “I’m sorry. I am not about to talk to them again,” ayon pa kay Duterte. Muling binanggit ni Duterte ang hindi makatwirang ninanais ng NDF na palayain ang 400 nakakulong na NPA. “Pumunta ng 18, ngayon gusto nila 400. ‘Di mag-surrender na lang ako. O kayo na sa Malacañan. Four hundred. That is only given after a successful talk or talks, then you grant amnesty,” sabi ni Duterte. Kasabay nito, sinabi ni Duterte na inalerto na niya ang Bureau of Immigration na arestuhin ang mga NDF consultant na pansamantalang pinalaya ng mga korte sakaling dumating na sa bansa para maibalik sa kulungan. “I have alerted everybody, pati ‘yung Immigration, they will be arrested and they should go back to prison,” sabi pa ni Duterte. Sinabi pa ni Duterte na matagal siyang nagtimpi para maisulong lamang ang usapang pangkapayaan. “Ang yayabang pa magsalita. Ako nagho-hold lang ako. I have to swallow minsan my being humble, okay lang. Pero sumobra itong. Pagka ganoon, fight tayo,” aniya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.