Walang talo kung nagpakatotoo | Bandera

Walang talo kung nagpakatotoo

Arlyn Dela Cruz - January 31, 2017 - 12:10 AM

HINDI lang isang beauty contest ang Miss Universe.

May mahalagang aral na mapupulot dito.

Nagkataon na tayo’y mga Pilipino at ang ibig kong sabihin diyan, marami sa atin ang mga “otoridad” sa lahat ng bagay. Lahat may opinyon, lahat may say sa lahat ng bagay kasama na ang katatapos na Miss Universe.

Dito sa atin, may namamayani pa ring kaisipan na kung marunong at magaling kang mag-Ingles (English) ay matalino na.

Ang kaisipang iyan ang nagtulak kay Maxine Medina na ipilit na sumagot sa wikang Ingles kahit may tumayo o itinalagang interpreter para sa kanya.

Gustong patunayan ni Maxine na siya ay maga-ling. Mas lalo niyang gustong patunayan na siya ay matalino. Ito ay dahil sa dikta ng lipunan at ngayon ng mundo ng social media na ang marunong, maga-ling mag-Ingles ay maga-ling at matalino rin.

Ang pamantayan ng lipunan at ng kalakaran ngayon ng walang pakundangang mundo ng social media ang nagtulak kay Maxine na may patunayan na inaakala niyang susukat o sasapat sa isang maling pamantayan.

Habang sinasabi ng marami na “kumuha ka ng interpreter”, lalong umalab ang kanyang pagnanasa na patunayan na “mali kayo, marunong akong mag-Ingles”.

Lilinawin ko, hindi sa hindi siya marunong mag-Ingles. Marunong. Pero sabi ko nga, iba ang ma-galing sa marunong. Kung hindi sinapit ni Maxine ang kabi-kabilang batikos, hindi maitatanim yung pagnanasa niya na patunayan na “mali kayong lahat. Kaya ko.”

Ang lumabas sa tingin ko, paghahanda nang sobra-sobra sa isang bahagi ng patimpalak na na-limutan na ang isang pinakamahalagang saysay ng patimpalak—ang katawanin niya nang lubos at ganap ang Pilipinas kasama na ang wikang taal.

Para maging patas, tila may saliwa din sa pagsasaling ginawa ng tumayong interpreter. Ang salita ay “change” o pagbabago sa wikang Filipino. Hindi “events” o pangyayari sa wikang dikta ng dila. Kasama din iyon sa katotohanang nasa harap natin ngayon. Labu-labo na. Ano nga ba ang wikang Filipino kung sa pagsasalin mula sa wikang banyaga ay sablay na?

Minsan, nakakainis na makabasa ng mga salita na nag-register. Bakit hindi sabihing nagpalista? Minsan mababasa mo, nag-expect. Bakit hindi sabihing umasam? Marami pang halimbawa ng mga salita o pananalita o pagsasalita na isinasahog at pinag-aasawa natin ang mga salitang atin at salitang banyaga na ang totoo, nagpapalito lang sa kung ano ba talaga ang ibig sabihin.

Balik sa Miss Universe at sa aral na mapupulot dito; oo, patimpalak ito. Pero ito rin ay isang palabas na engrande.

Ito ang ipinayo kay Maxine ng kanyang tiyahin na dumaan din sa katulad na karanasan ng patimpalak kagandahan. “Be yourself and be confident.”

Ang inalala niyang sasabihin ng marami kung pinili niyang magsalita sa wikang taal ang sa tingin ko ay inalala ni Maxine. Nalimutan niya ang payo ng kanyang tiyahin. Pero sino ba naman tayo para sabihin kung ano ang pagiging totoo sa sarili at hindi para kay Maxine?

Ang totoo, ginawa niya ang lahat ng kanyang magagawa. Kung bakit pinili niyang sumagot sa wikang Ingles kahit may ibinigay na sa kanyang interpreter, siya lang ang nakaaalam.

Sa tingin ng marami sablay ang kanyang sagot. Sabi naman ng iba, tama ang sagot pero para sa ibang tanong, pero paano kung sa tingin niya at pang-unawa niya, tama ang sagot niya at naunawaan niya ang tanong?

Hindi ko isinulat ito upang ipunto ang kung anuman laban kay Maxine. Napakaganda ni Maxine. Abot-kamay ang pagkakataon na magkaroon ng magkasunod na panalo ang Pilipinas.

Isinulat ko ito upang bigyang diin ang isang bagay na tunay na mahalaga sa anumang bagay sa ating buhay at pamumuhay.

Sa huli, walang talo kung ika’y magpakatotoo sa kung sino at ano ka.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Tama ang nagpayo, “Just be yourself”.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending