Kaso vs mayor na nameke umano ng training
Patong-patong na kaso ang isinampa ng Office of the Ombudsman laban sa mayor sa Bohol na nameke umano ng mga dokumento upang palabasin na siya ay dumalo sa mga training at siningil ang gobyerno ng ginastos dito.
Nahaharap sa kasong graft, malversation at falsification of public/official documents si Cortes Mayor Apolinaria Balistoy. Kasama niya sa kaso si Daphne Roxas, executive director ng Asian Women’s Network on gender and Development.
Inirekomenda ng Ombudsman ang P30,000 piyansa para sa kasong graft, P24,000 sa kasong Falsification, at tig-P40,000 sa limang kaso ng Malversation through Use of Falsified Documents.
Ayon sa Ombudsman nagsabwatan ang dalawa upang palabasin na dumalo si Balistoy o ang kanyang anak na lalaki sa Module 1-4 ng Trainings on Local Environment Governance at Barangay E-Agri Training noong Mayo hanggang Oktobre 2010.
Gumamit umano ng mga pekeng dokumento ang dalawa gaya ng mga resibo at Certificates of Attendance bilang katibayan ng training at pinabayaran ang halaga na kanyang ginastos.
Ayon sa mga reklamo na magkakahiwalay na isinumite, umabot umano sa P105,000 ang halaga ng pinabayaran ni Balistoy sa gobyerno.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.