Gown ng Bb. Pilipinas-Universe candidates ‘isinumpa’ ?
NANG koronahan si Pia Wurtzbach noong 2015 bilang ikatlong Pinay na Miss Universe, marami ang nagsabi na malaki ang naiambag sa kanyang pagkapanalo ng pabolosong body-hugging at strapless blue gown na dinisenyo ni Oliver Tolentino na kanyang inirampa sa long gown competition.
Tuloy, ang chika ng mga miron ay natanggal na ang “sumpa” sa mga Pinay candidates na hatid ng mga gown na ipinasusuot sa kanila ni Stella Marquez-Araneta, ang tagapamahala ng Binibining Pilipinas, ang organisasyong nagpapadala ng mga kandidata sa Miss Universe.
Simula 1999, ang gumagawa ng mga gown at national costume ng mga Pinay bets ay si Alfredo Barraza, isang banyaga.
Si Barraza ay mula sa Colombia, kababayan at kaibigan ni Araneta.
Simula rin noon ay kaliwa’t kanang puna, batikos at panlalait na ang inaabot nina Barraza at Araneta dahil sa mga klase at hitsura ng mga pinasusuot sa mga kandidata ng Pilipinas.
Noong 2014, pinagsuot ni Barraza ng isang puting gown ang kandidatang si Mary Jean Lastimosa.
Maganda ang gown pero mukha raw itong basahan kumpara sa gown na ginawa ng Colombian designer para sa kanyang kababayan, na siyang itinanghal na Miss Universe ng taong iyon.
Pero mas maraming tinanggap na lait ang national costume ni Lastimosa. Mabulaklak ito na terno na mukhang cake na mabibili sa mga bakery dahil sa halo-halo at nakahihilong mga kulay. Hanggang top 10 lamang ang narating niya.
Rumampa naman si Ariella Arida noong 2013, suot ang off-shoulder yellow gown ni Barraza. Lait din ang inabot ng gown na isang ordinaryong mermaid-style na gawa sa matigas na tela. Third runner-up lang si Arida.
Muntik namang masungkit ni Janine Tugonon ang korona noong 2012, suot ang isa pang likha ni Barraza na powder blue flowy gown. Sey ng mga matataray, basura ang gown na mabuti na lamang ay nasagip ng “cobra walk” ni Tugonon. Itinanghal siya na first runner-up.
Noong 2011, isinuot ni Shamcey Supsup ang transparent sequined gown na gawa pa rin ni Barraza. Ayon sa ulat, “hand-me-down” ang nasabing damit. Tulad ni Arida, third runner-up lang si Supsup.
Fourth runner-up naman si Venus Raj noong 2010. Suot niya ang silver gown ni Barraza na mukhang gift-wrapping paper, ayon sa mga kritiko.
Si Raj kandidatang nagsimulang makapasok sa magic 5 sa Miss Universe mula nang maging first runner-up si Miriam Quiambao noong 1999.
Sa kabila nang todo pagrampa ng mga kandidatang Pinay sa mga taong 2005 hanggang 2009, tanging special awards na Miss Photogenic lamang ang nakuha nina Gionna Cabrera (2005), Lia Andrea Ramos (2006) at Anna Theresa Licaros (2007).
Sa taong ito, Pinoy muli ang lumikha ng mga damit na isusuot ng Pinay hopeful na si Maxine Medina sa coronation night sa Lunes. Suswertehin din kaya siya gaya ni Wurtzbach?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.