Duterte idiniin si citizen Noy sa Mamasapano; Simbahan Katoliko binanatan din
IDINIIN ni Pangulong Duterte si dating pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa kontrobersiyal na operasyon sa Mamasapano noong Enero 25, 2015 kung saan napatay ang 44 na miyembro Special Action Force (SAF).
Sa kanyang talumpati sa harap ng pamilya ng SAF44, inihayag ni Duterte ang pagtatag ng isang seven-man commission na siyang mag-iimbestiga sa palpak na operasyon ng Mamasapano.
Sinabi ni Duterte na mga miyembro ng Korte Suprema ang siyang bubuo ng fact-finding commission.
Kasabay nito, sinabi ni Duterte na dapat nang ibunyag ni Aquino ang kanyang nalalaman hinggil sa nangyaring operasyon.
“Kasi ang investigation kasi, you could have completed it. You could have just simply say, ‘Eh ako ‘yung gumawa nito. Ako ‘yung nag-order but I left it to Purisima to do the direction. But I made the crucial decision and maybe along the way, I was also giving my inputs with the sense of being the in charge, the highest official there,”tanong ni Duterte kay Aquino.
Tahasang sinabi ni Duterte na may direktang partisipasyon ang Amerika sa isinagawang operasyon kung saan partikular niyang itinuro ang mga miyembro ng Central Intelligence Agency (CIA).
“And they are practically surrounding the Mamasapano area. Bakit hindi ninyo ginamit ang Army? And why was it under wraps? At bakit ninyo itinago na actually it was an operation of the CIA?” tanong pa ni Duterte.
Binanggit din ni Duterte si dating Presidential Adviser on the Peace Process Teresita “Ging” Deles na siya umanong nagpayo kay Aquino na wag magpadala ng tulong dahil sa mga inaatakeng mga miyembro ng SAF dahil sa posibleng paglabag sa isinusulong na usapang pangkapayapaan sa Moro Islamic Liberation Front(MILF).
“Para sa akin ikaw ang nagsabi kay Pinoy na wag, dahil war will break out dahil pinasok nyo ang MILF territorry,” sabi pa ni Duterte.
Kinuwestiyon din ni Duterte kung kanino napunta ang $5 milyong pabuya sa pagkamatay ni Marwan.
” So where’s the five million? Bakit tatagu-taguin ‘yang pera? So the five million went to whom? But tell the truth, eh ilan ba naman ‘yang five million or 25 million dollars sa isang buhay ng tao?” ayon pa kay Duterte.
Nangako si Duterte sa pamilya ng SAF 44 ng hustisya para sa SAF44.
Samantala, muling binanatan ni Duterte ang Simbahang Katoliko kung saan hinimok niya ang publiko na basahin ang librong “Altar of Secrets” kung saan nakadetalye umano ang lahat ng baho ng mga miyembro ng Simbahan.
Idinagdag ni Duterte na handa siyang mag-resign bilang pangulo kung hindi totoo ang kanyang mga alegasyon laban sa mga obispo.
“Bata pa lang kami alam ko na trabaho niyo mga Putang Ina ninyo,” sabi ni Duterte.
Nagsimula ang pag-atake ni Duterte sa mga obispo matapos ang pagbatikos sa kampanya ng gobyerno laban sa droga kung saan tumataas ang kaso ng extrajudicial killings.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.