JC, Alex, Pepe sanib-pwersa sa ‘Sakaling Hindi Makarating’
KAPAG nagkaroon kami ng masarap na pagkakataon ay gusto naming panoorin ang isang indie movie na pinamamahalaan ng isang batambatang direktor. Pito sa sampung parangal nu’ng nakaraang Cine Filipino Film Festival ay nakuha ng proyekto.
“Sakaling Hindi Makarating” ang titulo ng unang pagtatangka ni Direk Ice Idanan, siya rin ang namahala sa cinematography ng pelikula, at napapanahon ang kanyang mga artista.
Wala nang kuwestiyon sa talento sa pagganap ni Alessandra de Rossi, sinusulat pa lang ni Direk Ice ang script ng “Sakaling Hindi Makarating” ay ang young actress na ang nakalarawan sa kanyang isip na bumibida sa kanyang kuwento, walang ibang personalidad.
Malaki rin ang partisipasyon sa pelikula ni JC Santos, si Ali ng seryeng Till I Met You na katatapos lang kagabi, tunay na lalaki si JC pero napakaepektibo nitong gumanap na becki.
At siyempre, ang nag-trending nang patayin sa Ang Probinsyano na si Pepe Herrera, si Benny, kakaibang-kakaiba naman ang ginagampanang papel ng tinanghal na best actor ng Cine Filipino sa “Sakaling Hindi Makarating.”
Gusto naming madiskubre kung ano ang ibig sabihin ng sub-title na The Amazing Journey Of The Letters. May matinding dahilan kung bakit tinanghal na first runner-up sa Cine Filipino Film Festival ang “Sakaling Hindi Makarating.”
Maraming ipinagmamalaking lugar sa ating bayan ang inikutan-nilipatan ng pelikula. Sa sinematograpiya pa lang siguro nito ay mabubusog na ni Direk Ice Idanan ang manonood.
Paano pa ang kakaibang kuwento nito? Paano pa ang husay ng mga bumibida? Ipaglalaan namin ng panahon ang pagsilip sa “Sakaling Hindi Makara-ting.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.