Christian Bables gagawa ng 4 na pelikula sa Regal; bibida na rin sa Magpakailanman
TAPOS na ang tiis-tiis days ni “Barbs” ng “Die Beautiful” o Christian Bables sa tunay na buhay. Limang taon ding panay acting workshops ang ginawa niya upang ma-penetrate ang showbiz hanggang sa nabigyan siya ng break ng Regal Films sa “I Love You To Death” ni Kiray Celis.
Subalit ang pelikulang nagsilbing daan upang maging household word ang pangalan ni Christian ay sa Regal festival entry na “DB” bilang Bes (best friend) ng bidang si Paolo Ballesteros. Biggest discovery siya ng MMFF na tinanghal pang Best Supporting Actor.
So, nang sabihin kay Christian na papipirmahin siya ng mag-inang Lily at Roselle Monteverde ng exclusive contract at gagawa ng apat na movies, gaya ng ilang nangangarap maging artista, hindi siya makapaniwala.
“Natutuwa po ako kasi pinagkatiwalaan tayo nina Mother Lily at Miss Roselle,” bulalas ni Christian sa kanyang contract signing. Ano na ang nabago sa kanya after Die Beautiful?
“Wala naman po! Ha! Ha! Ha! Marami na rin pong nakakakilala,” sabi ng aktor.
Hindi overnight success ang dumating kay Christian. Five years siyang aral nang aral ng akting. Never din siyang naging contract star ng Star Magic. Kaya naman todo ang pasasalamat niya sa acting mentor niyang si direk Rhyan Carlos.
Binigyan ni Christian ng priority ang Regal sa pagtanggap ng movies. Sa ngayon, may offer siyang kontrata sa GMA at ABS CBN. “Masusi pa po naming pinag-aaralan ang offers,” saad niya.
“Ngayon ang inoohan pa lang namin, sina Mother at Miss Roselle. Sinabi ko sa managers ko na bigyan natin sila ng priority kasi sila po ang unang nagtiwala sa akin. Nu’ng walang gustong magtiwala, itong si Miss Roselle ang nakakita ng kakayahan natin,” katwiran ng aktor.
Si direk Chito Roño ang magdidirek sa unang movie niya sa Regal na gagawin sa Samar. Ngayong Sabado naman sa Magpakailanman, si direk Maryo J. delos Reyes ang director niya sa episode na “Ang Sakripisyo ng Anak: The Ramon Burce Story” kung saan bidang-bida siyang talaga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.