KAHIT paano ay may asim naman talaga ang lineup ng Mahindra sa kabila ng pangyayaring nagkaroon ng malawakang balasahan bago nagsimula ang kasalukuyang season.
Kasi nga ay halos kalahati ng koponan ay nabago matapos na makipagpalitan ng manlalaro ang Mahindra sa ibang koponan. Magugunitang nasabi nga ni coach Chris Gavina sa gitna ng mga palitan na hindi niya naintindihan ang nangyayari.
Pero dahil sa coach siya ay katungkulan niyang sundin ang gusto ng management. Katungkulan niyang gamitin ang materyales na ibinigay sa kanya nang buong husay. E, hindi rin naman pipitsugin ang mga players na nakuha ng Mahindra sa off-season.
Naidagdag sa lineup sina Alex Mallari, Ryan Araña, Josan Nimes, Jeric Teng, Nico Salva, Jason Deutchmann at mga rookies na sina Russel Escoto, Joseph Eriobu at Reden Celda.
Hindi na masama ang build up na ito.
Ang problema lang siyempre ay ang chemistry ng team. Hindi naman kaagad mabubuo ang teamwork nang overnight o ganun-ganon lang. Kailangan ng mahabang panahon at pagsasama. Puwedeng magagaling ang mga players pero kung hindi talaga magkakakilala ay walang mangyayari.
Sina Mallari, Araña, Nimes, Salva at Teng ay pawang may mga championship experiences.
Huling naglaro si Mallari sa Star Hotshots kung saan matitindi ang kanyang mga kakanping tulad nina James Yap at Peter June Simon kaya’t hindi siya nabigyan ng mahabang playing time. Pero ngayon ay tila umaangat si Mallari bilang go-to guy at team leader ng Mahindra.
Si Araña ay nagwagi ng kampeonato sa Rain or Shine at San Miguel Beer. Kampeon din siya noong high school sa Colegio San Agustin at sa kolehiyo sa La Salle.
Si Nimes ay nasa ikalawang taon niya sa PBA. Nakatikim siya ng kampeonato sa Rain or Shine sa nakaraang Commissioner’s Cup.
Si Salva ay miyembro ng Barangay Ginebra na nagkampeon sa nakaraang Governors’ Cup. Naglaro siya ng high school ball sa San Beda at college ball sa Ateneo na pawang nagkampeon.
Si Teng ay anak naman ng dating PBA superstar na si Alvin Teng. Naglaro rin siya sa Rain or Shine at produkto ng University of Santo Tomas.
Matitindi rin ang mga rookies ni Gavina. Si Escoto ay miyembro ng Gilas cadet team at nagkampeon sa UAAP habang naglalaro sa Far Eastern University. Si Eriobu ay isang Pinoy na ipinanganak sa Hong Kong. Naglaro siya sa Mapua Cardinals sa NCAA. Si Celda ay miyembro naman ng National University Bulldogs na nagkampeon sa UAAP tatlong taon na ang nakalilipas.
Kaya naman talagang maghihintay lang ang Mahindra upang makaarangkada.
At dahil naghahanap pa nga ng chemistry ang Floodbusters ay natalo sila sa unang limang laro. Noong Araw ng Pasko ay nagkaroon ng breakthrough win ang Mahindra nang magapi nito ang Blackwater, 97-92, sa overtime sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Dahil sa panalo ay tila tumaas ang morale ng Mahindra. Kaya naman noong nakaraang Miyerkules ay naitala ng Floodbusters ang ikalawang sunod na tagumpay nang talunin nila ang Meralco, 105-92. Bunga noon ay nakaangat na sila sa pangungulelat at ang Bolts na ngayon ang nasa dulo.
Kung magtutuluy-tuloy ang chemistry ng Floodbusters, aba’y puwede silang makaremate. May apat na laro pa silang natitira at sapat ang bilang na iyon upang makaiwas sa pagkakalaglag.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.