HINDI pa man nagsisimula ang season-ending PBA Governors Cup ay dinapuan na kaagad ng kamalasan ang Kia Picanto na ang hangad sana ay tapusin ang taon sa pamamagitan ng pagpasok sa playoffs.
Kasi nga, hindi nakaiwas ang Kia sa maagang pagkalaglag sa naunang dalawang conferences.Nagparating sila ng matinding import sa katauhan ni Chane Behanan, isang dating manlalaro ni coach Rick Pitino sa Louisville Cardinals na nagkampeon noong 2013 US NCAA.
Si Behanan ay lumampas sa height limit ng Governors Cup na 6-foot-5, Nasukatan siya sa 6-foot-5 1/6. Biruin mong isang guhit lang iyon. Dapat sana ay kinalbo siya at kinayod nang bahagya ang kanyang anit para sumakto. Sadista, no?
Sayang. Kasi maganda pa naman ang credentials ni Behanan na noong 2013 sa kanyang sophomore season ay nag-average ng 9.8 puntos at 6.5 rebounds sa 26 minuto upang tulungan ang Cardinals na magkampeon.
Matapos na labagin ang ilang patakaran ng Louisville ay lumipat siya sa Colorado State University para sa ikatlong taon niya sa NCAA. Pero natigil na rito nang tuluyan ang college ball dahil idineklara niyang gusto na niyang pumasok sa NBA Draft. Ang siste ay hindi naman siya napili. So, hindi na niya naituloy ang kolehiyo kaya naglaro na lang siya professionally.
Nagtungo na siya sa NBA D-League kung saan naglaro siya para sa Rio Grande Valley Vipers, Reno Big Horns at Salt Lake City Stars.
Well, mukhang hindi talaga ukol si Behanan para sa Kia, Kung sabagay, hindi naman siya ang first choice ng Kia, e. Si Brandon Beastly ang unang napusuan ni coach Chris Gavina. Pero nag-alangan siya rito kung kaya si Behanan ang pinarating.
Hayun at nagsayang lang ng pamasahe ang Kia Picanto. Sana available pa si Beastly. Sana ay puwede pang dumating. Mahirap ‘yung ilang araw na lang ay wala pang import ang isang koponan.
Makakatunggali ng Kia ang Phoenix sa opening day ng Governors Cup sa Miyerkules, Hulyo 19. Sa isa pang game sa araw na iyon ay magtutuos ang Alaska Aces at NLEX Road Warriors.
Heto pa ang isang cause for concern para sa mga fans ng Kia.
Ipinamigay ng Kia Picanto ang beteranong si Ryan Araña sa Globalport ng libre! Opo, libre!
Wala na bang halaga si Araña kung kaya’t hindi man lang ginusto ng Kia na makakuha ng kahit third round pick sa 2025?
E isa si Araña sa iilang Kia players na may napanalunang kampeonato. Siya ay naglaro ng unang walong taon niya sa Rain or Shine at doon nakatikim ng titulo.
Noong 2015 ay ipinamigay ng Rain or Shine si Araña sa San Miguel Beer. At sa season na ito ay napunta nga siya sa Kia.
Anong klaseng galaw iyon para sa Kia?
Well, sila ang nakakaalam kung ano ang gusto nila at kung ano ang makakabuti sa kanilang koponan.
Hayaan na natin sila.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.