Ayo, Jarin pararangalan bilang Coach of the Year sa Collegiate Basketball Awards
BIBIGYANG parangal ang mga champion coach na sina Aldin Ayo ng La Salle at Michael “Jamike” Jarin ng San Beda bilang mga pangunahing awardee sa Enero 26 sa pagkilala sa mahuhusay na mga persona ng UAAP-NCAA Press Corps sa taunang Collegiate Basketball Awards sa Montgomery Place Social Hall sa E. Rodriguez ave., Quezon City.
Kapwa tatanggapin ng dalawang bench tacticians ang Coach of the Year award sa aktibidad na suportado ng Smart, Accel, Mighty Sports at MJM Productions sa paggiya sa kani-kanilang koponan sa kampeonato sa dalawang malalaking liga na pang-unibersidad sa bansa.
Matatandaang binuhay ni Ayo ang tradisyon ng La Salle Green Archers nang iuwi ang titulo sa UAAP sa pagpapalasap ng kabiguan sa karibal na Ateneo Blue Eagles, isang taon matapos giyahan ang kanyang alma mater na Letran Knights sa kampeonato ng NCAA.
Nakabawi naman si Jarin sa nalasap na kabiguan sa koponan ni Ayo na Knights noong 2015 sa pagtulak sa San Beda Red Lions sa ikasiyam nitong kampeonato sa loob ng 11 taon sa pagwawalis sa Arellano University Chiefs sa kanilang pantitulong serye.
Si Ayo ang unang coach sa kasaysayan ng awards night na napagwagian ang Coach of the Year award sa dalawang magkaibang liga habang tatanggapin ni Jarin ang prestihiyosong tropeo bago ito sumabak sa kanyang coaching debut para sa National University Bulldogs sa susunod na season ng UAAP.
Ang ibang coach na nagwagi sa nakalipas na pagsasagawa ng taunang aktibidad na kinikilala ang mga nagpamalas ng kahusayan sa UAAP at NCAA ay sina Norman Black, Frankie Lim, Eric Altamirano, Boyet Fernandez, Louie Alas, Nash Racela, Ato Agustin at Juno Sauler.
Nakatakda rin igawad ang Smart Player of the Year award at Collegiate Mythical Five mula sa Mighty Sports.
Ang iba pang karangalan ay ang Pivotal Player, Impact Player, Super Senior at Mr. Efficiency.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.