Blanket authority sa enforcer na makapanghuli
ANG isa sa pinakamalaking dahilan nang masikip na trapiko sa mga metropolis ay ang disiplina ng mga driver natin. Sabi nga nila ang traffic rules sa Pilipinas ay hindi batas kundi suggestion.
Sa dami kasi ng mga driver na sabay-sabay lumalabag ng batas ay wala nang magawa ang mga enforcers kundi magkamot ng batok at palampasin na lang ang mga ito.
Sabi ng partner ko sa negosyo na si Olson Camacho, dapat daw ay may paraan para makapanghuli ang mga enforcer nang sunod-sunod na hindi nakakasibat ang mga erring drivers. Kasi mahirap nga naman sa mga enforcer yung sisitahin, hihingan ng lisensiya, gagawan ng ticket at magpapasa ng report pagkatapos ma-apprehend ang mga nagkamaling driver.
Ang suggestion ni Olson, bigyan ng blanket authority ang mga enforcer na singilin ng P1,000 ang lahat ng mga driver na magkakaroon ng violation. Tutal aniya, talaga namang humihingi ng pera ang halos lahat ng mga enforcer imbes na tikitan ang mga violators.
Yun lang, pinipili nila ang madali na kokotongan para wala silang sabit at mabilis ang transaksiyon.
Ito ang dahilan kaya yung ibang may violation ay mabilis na nakakatakas at patuloy na nilalabag ang batas.
Pero kung pababayaan ang mga enforcer na sumingil ng P1,000 agad nang walang tanong- tanong, maaaring papilahin ang mga violators at mabilis na kunan ng piyansa at bigyan ng resibo.
Sa panukala ni Pareng Olson, hindi na magpapaliwanag ang enforcer at sasabihan lang ng violation ang hinuli at pagbabayarin agad ng P1,000. Sa ganitong paraan, lahat ng kanto, halimbawa sa EDSA, ay may manghuhuli na enforcer at maniningil ng P1,000, at ang makulit na driver ay maaaring mahuli ng dalawa hanggang 12 beses kung sobrang kulit niya.
Sangayon ako dito dahil 79 porisyento ng driver sa Pilipinas ay perennial violator ng traffic rules. Kung dadaanin natin sa natural na sistema, iilan lang ang masisita na magagawa pang i-korap ang enforcer sa pag-alok ng suhol.
Pero kung yung kalahati ng P1,000 (P500 na laging hinihingi ng mga enforcer anyway) ay ibibigay sa kanila bilang porsiyento, tiyak na huhulihin nila lahat ng violators.
At kung makulit ang driver, maaaring 10 beses siyang mahuli sa isang araw (P10,000 yun), eh malamang sa hindi ay tumino ito sa pagmamaneho.
Auto Trivia: Si Louis-Joseph “Louis” Chevrolet ay isang Swiss-born American race car driver na may French descent ang siyang founder ng Chevrolet Motor Car Company noong 1911. Ang nakakalungkot ditto, si Louis ay namatay na hikahos at bangkarote habang nagtatrabahong mekaniko sa kumpanyang siya ang bumuo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.