Ex-DSWD Sec Cabral, solon, kakasuhan sa maling paggamit ng pork barrel
Kakasuhan ng Office of the Ombudsman si dating Social Welfare secretary Esperanza Cabral, dating North Cotabato Rep. Gregorio Ipong at tatlong iba pa kaugnay ng maanomalya umanong paggamit ng pork barrel noong 2007.
Inaprubahan ni Ombudsman Cochita Carpio-Morales ang pagsasampa ng dalawang kaso ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Malversation at Malversation thru Falsification of Public Documents laban kina Cabral, Ipong, DSWD Usec. Mateo Montaño, Chief Accountant Leonila Hayahay at Roberto Solon ng Economic and Social Cooperation for Local Development Foundation, Inc.
Ginamit umano ni Ipong ang P9.4 milyon ng kanyang Priority Development Assistance Fund para sa kanyang mga constituent sa pamamagitan ng medical missions, health materials at mga gamot na nagkakahalaga ng P400,000; capacity building/livelihood capital assistance para sa 75 pamilya na nagkakahalaga ng P9 milyon o P120,000 kada pamilya.
Ayon sa Ombudsman, ipinababa ni Ipong ang pondo sa DSWD at ang ECOSOC ang kinuhang NGO partner nito.
“A majority of the supposed beneficiaries denied receipt of the purported assistance,” ayon sa Ombudsman.
Nakakuha rin umano ang Ombudsman ng mga ebidensya na magpapatunay na ghost project ang ginamitan ng pondo ni Ipong. Kuwestyunable rin umano ang pagpili sa ECOSOC na mayroon lamang P56,000 kapital.
Itinanggi rin ng Ace Pharmaceuticals, isang medical supplier, na nakipagtransaksyon sila sa ECOSOC.
Sinabi rin ng Board of Trustees ng ECOSOC na may alam sila sa transaksyon ng kanilang NGO sa DSWD. Sumulat ang NGO sa Commission on Audit at sinabi na “the persons involved must have used their NGO for their own personal and unauthorized purpose.”
Napatunayan si Ipong at Montaño na guilty sa administrative case na Grave Misconduct. Ang parusang ipinataw ng Ombudsman ay pagkasibak sa serbisyo at hindi na sila maaaring humawak ng posisyon sa gobyerno.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.