‘Nakakaawa si Nora, pangalawa na nga sa kulelat, wala pang award!’
TOTOO ang naging usap-usapan nu’ng kabubukas pa lang ng Metro Manila Film Festival na hindi mananalong best actress si Nora Aunor.
Magaling man ang pagkakaganap niya sa pelikulang “Kabisera” ay maraming humula na hindi pa rin siya tatanghaling pinakamahusay na aktres ng pestibal dahil walang grade na ibinigay ang Cinema Evaluation Board sa “Kabisera.”
Paano raw kukunin ang best actress sa isang proyektong ni hindi nga nabigyan ng grade ng CEB? At ‘yun nga ang naganap.
Si Irma Adlawan ng “Oro” ang naging best actress, si Paolo Ballesteros ang tinanghal na best actor dahil sa napakahusay nitong pagganap sa “Die Beautiful,” walang nakuhang parangal ang Superstar.
Komento ng kaibigan naming propesor, “Nakakalungkot naman ang nangyari kay Nora Aunor.
Pangalawa na nga sa kulelat ang pelikula niya, wala pa siyang nakuhang award.
“Maayos naman ang movie, magaling si Nora, pero hindi ‘yun pinahalagahan ng mga jurors ng MMFF. Nakakaawa naman ang Superstar,” sabi ni prop.
Siguradong uupakan na naman ng mga tagasuporta ni Nora Aunor ang kinalabasan ng pagbibigay-parangal ng MMFF. Ililihis na naman nila ang isyu.
Kung ‘yun ba naman ay sinuportahan nila ang pelikula ng kanilang kaisa-isang idolo, di sana’y walang isyu ng first day-last day, di sana’y hindi nangulelat ang “Kabisera.”
Di ba naman?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.