KABAGO-bago pa lang ng napakagandang programa para sa mga OFW at kuwalipikadong mga Pinoy na makapagpasok sa bansa ng balikbayan box na exempted sa kaukulang buwis kung nagkakahalaga ito ng P150,000 pababa ay tila naabuso na agad ito.
Maganda naman talaga ang bagong batas na ito na bukod sa exempted sa buwis, may pribilehiyo pa na gawin ito nang tatlong beses sa isang taon, basta pampersonal lamang ang laman at hindi pambenta o pangkomersyal.
Pero may pangamba na baka samantalahin lang ito ng mga mapagsamantalang Pinoy.
Gaya nang naunang pahayag ng Bantay OCW, maaaring maabuso ang probisyong ito at makakita nga ng oportunidad ang mga masasamang loob na magamit ang naturang pribilehiyo ng ating mga OFW kasabay na rin ng pagluluwag sa mga kahon na hindi na umano ito bubuksan at bubusisiin pa.
Bukod sa puwedeng-puwede talagang makapagpadala ng mga bagaheng pambenta at hindi pampasalubong lamang, agad itong sinamantala ng ating mga kababayan.
Nahuli ng Bureau of Customs sa balikbayan box ng isang nagngangalang Rivera mula sa Malaysia ang 22 piraso ng diyamante na inilagay sa isang wallet at isinilid sa kanyang kahon.
Ayon sa Customs, nagkakahalaga ng $1,400 per carat ang mga batong diamante pero P56,000 lamang ang idineklarang halaga ng laman ng kahon.
Ikinalungkot ni Customs Commisioner Nicanor Faeldon ang pagkakahuli sa naturang kontrabando. Sa halip umano na magamit ng mga OFW ang pribilehiyong ito, napagsamantalahan na ng masasamang loob upang maisakatuparan ang kanilang krimen.
Sa kabilang banda, mabuti naman at kaagad nahuli at naisapubliko ang naturang krimen. Akala siguro ng mga kababayan natin, libre silang maglagay ng kahit ano sa kanilang balikbayan box nang hindi masisita o mahuhuli. Akala nila ay basta na lang mapapapayag ang mga taga-gobyerno na makapagpadala sila ng kahon na kahit ano na lamang ang laman, sa pag-aakalang hindi na nga ito tuluyang bubuksan.
Magsilbing babala sana ito sa ating mga kababayan na huwag na huwag ninyong gamitin o ipagamit sa ilegal na mga gawain ang pribilehiyong ibinibigay sa inyo ng pamahalaan. Baka dumating ang araw, bigla na lamang kayong mawalan ng ganyang probisyon at pagbabayarin kayo ng pamahalaan sa bawat bagay na ipapasok ninyo sa Pilipinas.
Nasampahan na ng kaso ang may-ari ng kahon na may laman na diamonds pati na ang consignee nitong si Lajane Basillo.
Sa mga nagbabalak pang magpalusot, huwag na ninyong subukan bago pa kayo sumablay!
Para sa komento o tanong, maaring sumulat sa [email protected].
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.