PH SEA Games delegation sasalain sa Enero 6-7
ISA-ISANG sasalain ng pinagsamang Philippine Olympic Committee-Philippine Sports Commission (POC-PSC) Task Force Southeast Asian Games sa Enero 6 at 7, 2017 ang lahat ng mga pambansang atleta na kabilang sa 650 katao na nasa listahan ng mga posibleng makasama sa delegasyon ng Pilipinas sa paglahok nito sa 29th Southeast Asian Games.
Itinakda mismo ng joint POC-PSC SEA Games Task Force ang dalawang araw na pakikipagpulong sa lahat ng mga kasaling national sports associations para sa ninanais nitong pagre-review sa performance, assessment sa sinalihang mga torneo at justification sa bawat isinali nitong atleta sa listahan na asam nitong makasabak sa kada dalawang taong torneo na gaganapin Agosto 19-31, 2017 sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Una nang itinakda ng Task Force ang mga susunding criteria para sa mga ipapadalang atleta sa kabuuang 37 sa paglalabanang 38 sports na itinakda ng host na Malaysia. Tanging hindi magpapadala ng lahok ang Pilipinas sa sport na cricket na hindi nilalaro sa bansa.
“We are looking at every national sports association to deliver at least one gold medal for the country,” sabi ni PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez.
“We will be looking at their competitiveness, or if they still deserve a seat, has been an active athlete and if their national sports association can justify their inclusion to the national team,” sabi naman ni Task Force member Raymond Lee Reyes.
Ikalawa sa criteria ay ang tagumpay sa internasyonal na kompetisyon tulad sa nakalipas na Rio Olympics, World Level, 2014 Asian Games, Asian Level, Regional Level at Asian Beach Games.
“All Rio Summer Games qualifiers are already seeded to the SEA Games, that is if they still want to compete or decide to focus on a higher international event,” sabi pa ni Reyes.
Ang iba pang criteria ay: young and high potential athlete with define track record, measurable qualifying level at team events for review on case to case basis.
“We will talk to the NSAs on justification if ‘yung atleta ay dapat ba siyang ipadala. Hindi na puwede na exposure at lalaban ka lamang just because to fulfill a commitment sa international federation,” sabi pa ni Ramirez. “Hindi na ito paramihan ng atleta kundi medalya.”
Ang Task Force SEA Games ay binubuo nina Ramirez, PSC Commissioners Charles Raymond Maxey, Ramon Fernandez, Celia Kiram at Arnold Agustin kasama sina PSC executive director Atty. Carlo Abarquez at Ronnel Abrenica, senior executive assistant ni Ramirez, at Philippine Institute of Sports national training director Marc Velasco habang sa POC ay sina Tomas Carrasco, Jr. (Triathlon Association of the Philippines), David Carter (Philippine Judo Federation), Robert Mananquil (Billiards Sports Confederation of the Philippines), Joni Go (Philippine Canoe-Kayak Federation) at Reyes (Philippine Karatedo Federation).
Ang nasabing grupo ang hahawak din sa paghahanda ng bansa para sa paglahok nito sa 2018 Asian Games, 2019 Philippine SEA Games at 2020 Tokyo Olympics.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.