Member ng barangay police sinorpresa ni Coco; dinala sa taping ng ‘Ang Probinsyano’
ISANG barangay police officer ang binigyan ng regalo ng Teleserye King na si Coco Martin bilang pagpupugay sa dedikasyon nito sa pagbibigay seguridad sa kanilang lugar.
Sa pamamagitan ng Bayan Patroller na si Archie Gabe ng Misamis Oriental, na wala ring sawa sa pagtulong sa mga nangangailangan, nakarating kay Coco ang ginagawang public service ng kanyang amang si Arnulfo Gabe.
Dalawang dekada nang naglilingkod bilang miyembro ng barangay police si Arnulfo na kilala rin bilang responsableng ama at asawa. Isa rin siyang certified loyal fan ng seryeng FPJ’s Ang Probinsyano ni Coco sa ABS-CBN.
At bilang special treat sa tatay ni Archie, dinala ng grupo ni Coco si Arnulfo kasama ang kanyang pamilya sa set ng Ang Probinsyano kung saan naka-bonding nila ang cast members ng number one serye ng ABS-CBN.
At siyempre, nag-uwi rin sila ng mga Christmas gift mula kay Coco. Ayon kay Arnulfo, hinding-hindi niya makakalimutan ang Pasko ngayong taon dahil sa sorpresa ni Coco.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.