Maangas na male singer laging problema ng produksiyon
HINDI nagustuhan ng mga PA ng isang network ang ginawang pag-iinarte ng isang male personality nang ganapin ang isang malaking pagtitipon sa kanilang bakuran.
Ang dapat sana’y masaya at very special na programa ay nabahiran ng inis dahil sa lalaking personalidad na nang magsabog ng kaangasan ang kapalaran ay mukhang sinambot ang lahat ng kanyang puwedeng masalo at maabot.
Hindi na siya masyadong uso ngayon, lipas na ang kanyang panahon, pero kung makaasta ang male personality ay parang kasagsagan pa rin ng kanyang singing career hanggang ngayon.
Kuwento ng isang source, “Sa recording pa lang, e, nagpalutang na ng kaangasan si mokong. Parang hindi niya gusto ang kaigsian ng exposure niya, pero wala siyang magagawa, medley ‘yun, may kani-kanyang moment lang sila ng mga kasamahan niyang singers.
“Parang gusto niyang kabugin ang iba niyang kasabayan, hindi na lang siya magpasalamat dahil kahit hindi na siya masyadong uso, e, napasama pa siya sa production number!
“Siguro, para mapaiba naman siya, e, binabali-bali niya ang mga nota ng song, birit siya nang birit, na hindi pinayagan ng mga nagbabantay sa recording dahil Christmas song ‘yun, kailangang mag-stick siya sa tamang arrangement lang!
“Nakasimangot ang mokong! Tinapos niya ang recording nang matagal na matagal, e, iilang linya lang naman ng song ang para sa kanya!” kuwento ng impormante.
Ganu’n din ang ginawa niya sa mismong performance na nila, nagpapaimportante ang mokong na singer sa dressing room, ayaw pang lumabas samantalang siya na lang ang hinihintay at magro-roll na sila sa taping.
“Naku, kung biniyayaan pa ng kaguwapuhan ang mokong na ‘yun, e, di lalo na! Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, di ba naman, too much kaangasan will kill him?
“Mayabang! Maangas! Kung ganyan siya nang ganyan, e, baka mauwi na naman siya sa pagtitinda ng siomai!” naiinis na pagtatapos ng aming source.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.