Arellano kampeon sa NCAA Season 92 juniors tennis
TINALO ng Arellano University ang nakaraang kampeon na San Beda College, 2-1, Miyerkules, upang walisin ang daan nito tungo sa pinakaunang titulo sa NCAA Season 92 juniors lawn tennis tournament sa Rizal Memorial Tennis Center.
Binigo ni Aljohn Talatayod ang nakasagupa na si Eduardo Bagaforo, 6-0, 6-2, sa opening singles bago sinelyuhan ni Norman Gaspar ang korona sa itinala na 6-4, 6-1 panalo kontra Dawson Ormoc sa reverse singles.
Nagwagi muna ang San Beda sa doubles mula sa panalo nina Patrick Mendoza at Aldyll Ignacio kontra kina Jan Harold Trillanes at Lawrence Sombreo, 6-2, 6-2, upang itabla ang laban at posible na masungkit ang second round pennant para makapuwersa ng isang larong finale kung magwawagi sa reverse singles.
Subalit hindi nangyari ang nais ng San Beda matapos ipadama ni Gaspar ang lakas kontra kay Ormoc.
Ang kampeonato ay impresibong itinala ng Junior Chiefs matapos magwagi sa lahat ng 12 nitong laban na siyam sa unang round at tatlo sa ikalawa upang pagwagian ang sports sa unang pagkakataon sapul na sumali sa liga limang taon na ang nakakaraan.
Ang korona sa lawn tennis ay ikatlong titulo ngayong taon ng Arellano matapos itong magwagi sa badminton at taekwondo sa unang semester ilang buwan na ang nakalipas.
“Its a proud accomplishment for a team that has worked hard for years to get this far,” sabi ni Arellano Management Committee representative Peter Cayco.
Tumapos na ikalawa ang Cubs habang tiinalo naman ng Lyceum of the Philippines University ang San Sebastian College mula sa mga panalo nina Elvin Joseph Geluz kontra Vincent Anida, 6-0, 6-1, at Stepano Gurria laban kay Joseph Gadon, 6-4, 7-5, para sa ikatlong puwesto.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.