UNTI-unti na umanong nababawasan ang mga napapatay sa mga drug operations, ayon mismo kay Pangulong Duterte.
“Konti na lang ang namamatay. Medyo ubos na eh,” ani Duterte sa isang talumpati sa Malacanang, na tinawanan namang ng mga nakikinig sa kanyang komento.
“Talaga. Hindi ako nagpapatawa,” giit pa nito.
Base sa Inquirer’s Kill List, umabot na sa 1,775 ang napapatay simula nang maging pangulo si Duterte. Kabilang na rito ang mga biktima ng vigilante killings at mga drug suspects na napapatay sa anti-drug operations.
Nasabi anya ng pangulo ang tungkol dito matapos magpadala ng sulat sa kanya si Senador Richard Gordon.
“Even a close friend [of] mine, Gordon, wrote me a very poignant letter. But I think, Dick, it’s too late in the game,” ayon sa pangulo na hindi na nagbigay pa ng eksplanasyon.
Si Gordon ang chair ng Senate committee on justice na naglabas ng report tungkol sa ginawang pagdinig hinggil sa extrajudicial killings at Davao Death Squad.
Sa report sa Senado kahapon, sinabi ni Gordon na walang ebidensiya na direktang tumutukoy sa state-sponsored killings.
“My successor should be freed of this kind of malignancy,” dagdag pa ni Duterte sa kanyang talumpati na ginawa sa Rizal Hall sa Malacañang para sa awarding ng Outstanding Men and Women of 2016.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.