Claudine idiniin ang binatang anak ni Randy sa pananakit kay Santino
ANAK nina Randy Santiago at Marilou Coronel si Raphael, ang binatang pinagbibintangan ni Claudine Barretto na nanakit sa kanyang anak na si Santino, idedemanda raw ni Claudine ang pamangkin ng kanyang mister.
Nang hingan ng komento si Raymart Santiago dahil napakaingay na nga ni Claudine sa social media ay sinabi nito na away-bata lang naman ang nangyari, huwag na sanang palakihin pa, mapag-uusapan naman ‘yun nang maayos.
Hindi ‘yun nagustuhan ng aktres, lumalabas daw kasing kinakampihan pa ni Raymart ang nanakit sa kanilang anak, kulang na lang na sabihan ni Claudine ng walang balls si Raymart.
Tinawagan ni Claudine si Marilou, na-shock ang misis ni Randy, dahil tinalak-talakan ito agad ng aktres. Walang alam si Marilou sa pangyayari.
Ang mga ganitong problema ay dapat na pinag-uusapan na lang ng magkakapamilya. Iba nga lang ang sitwasyon dahil hindi close si Claudine sa kaanak ng nakahiwalay niyang mister.
Inaawat lang daw kasi ni Raphael si Santino, napikon daw kasi ang bata habang nakikipagtudyuhan sa kanyang mga kapwa bata rin, pero lumaki na ang kuwento dahil agad na nag-ingay si Claudine Barretto.
Maaasahan nang kahit kaliit-liitang bagay ay magiging malaki para kay Claudine dahil hindi pa rin maayos ang relasyon nila ni Raymart kahit bilang magkaibigan na lang.
Resolbahan na lang sana ang problema nang paupo at huwag nang patayo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.