MAY mga nakapilang malalaking proyekto ang Subic Bay Metropolitan Authority na pinamumunuan ng die-hard supporter ni Pangulong Duterte na si Martin Dino.
Ang maraming trak na pumapasok at lumalabas sa port ng SBMA ang isa sa mga problema nila.
Kaya nakikipag-ugnayan si Dino sa Department of Public Works and Highways upang mapalaki ang Tipo Road na daanan ng mga trak papuntang Subic-Clark-Tarlac Expressway. Ang mga trak ang kumukuha ng mga kargamento na dumarating sa Freeport Zone at idaraan sa Subic-Clark-Tarlac Expressway.
Mga trak ang dumaraan kaya masikip ang dalawang lane na kalsada. Kailangang palaparin ito.
Dapat ay maayos ang bypass road para madaling makarating sa Hermosa, Bataan.
Ang pagpapaluwag ng kalsada ay bilang paghahanda sa expansion program sa Container Terminal 3 at 4 ng SBMA para lumaki sa 1.2 million Twenty-Foot Equivalent Unit ang kaya nitong iproseso.
Pwede bang dito na ibagsak ‘yung mga kargamento na dadalhin sa mga probinsya sa northern Luzon. Huwag na nilang ibagsak sa Maynila para mabawasan ‘yung mga trak bumibiyahe roon.
Sa termino ni Pangulong Duterte ay itatayo rin ang Subic 2 at 3.
Ang Subic 2 aka Smart City ay planong gawin na isang industrial park. Magdaragdag ng economic activities sa labas ng Metro Manila. Gagawin itong tahanan ng mga high-tech companies na gustong magtayo ng mga planta sa bansa.
Malapit din doon ang 600MW thermal energy plant na magdaragdag ng suplay ng kuryente sa Luzon grid.
Kung high tech ang Subic 2, Green Zone naman daw ang Subic 3 na sa Morong itatayo. Narito ang mga refugees na Indochina.
Dito naman daw ilalagay ang mga commercial at financial investment at mga academic locator.
Kung inaayos ang Clark airport, nakapila rin sa makeover ang Subic airport na gagawing regional logistics transhipment hub at air terminal para sa mga pasahero.
Sana ayusin ito agad para madagdagan ang biyahe ng eroplano sa Central Luzon at hindi na kailangang pumunta ng mga taga-norte sa Ninoy Aquino International Airport. Dumadagdag pa sila sa trapik at siksikan ng tao sa Maynila.
Dapat nga noon pa ito ginawa.
Sa dami ng mga big ticket project sa SBMA, hindi maikakaila na maraming mata ang magbabantay kay Dino. Nagmamatyag sila para magkamali siya at maisumbong kay Duterte.
Kaya ang hamon kay Dino huwag ipahiya si Duterte.
Hindi na rin sana maulit yung teka-teka sa mga project na dapat gawin. Yung maraming teka wala kasing nararating buti sana kung pwede ibalik ang panahon.
Hirit nga ng isang miron, sana si Dino daw ay makagawa sa tamang panahon (Aldub) at hindi sa pagdating ng panahon— kanta ni Aiza Seguerra na asawa ng kanyang anak na si Liza.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.