Vice, Coco, Vic naisahan ang MMFF, pinaaga ang Pasko ng mga bata
PASKO sa buwan ng Nobyembre! ‘Yun ang sigaw ng mga kababayan natin dahil sabay na ipalalabas ang mga pelikula nina Bossing Vic Sotto, Vice Ganda at Coco Martin na inisnab ng pamunuan ng Metro Manila Film Festival.
Panalo ang petsang pinili nila dahil sa mga panahong ito ay nakatanggap na ng bonus ang mga magulang ng mga batang manonood na magpipista na lang sa mga karnabal sa panahon ng MMFF.
Wala silang mapipiling panoorin sa taunang festival dahil puro indie movies ang nakapasok, hindi maiintindihan ng mga batang paslit ang tema ng mga ipalalabas na pelikula, kaya sa halip na malungkot ay maaga na silang pinasaya nina Bossing Vic at Vice Ganda.
Maagang Pasko ang mangyayari, katapusan pa lang ngayon ng Nobyembre, pero mapapanood na agad ang mga pelikulang komedya na inaasahan pa sanang mapanood ng mga bata sa pagbubukas ng MMFF.
Nautakan ng dalawang produksiyon ang MMFF. Nakauna na sila, siguradong pipilahan pa sa takilya ang pinaghirapan nilang proyekto, mangyari rin kaya ‘yun sa mga pelikulang lahok sa darating na MMFF?
Sabi nga ng mga kababayan natin, magiging maaga raw ang pagdating ng Semana Santa, dahil alam na nila ang kahihinatnan ng mga pelikulang ipalalabas sa Metro Manila Film Festival.
Ganern!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.