Mga Laro Ngayon
(SM Mall of Asia Arena)
2 p.m. Ateneo vs FEU
4 p.m. Adamson vs UST
Team Standings: La Salle (12-1); FEU (8-3); Ateneo (7-4); Adamson (6-5); NU (5-8); UP (5-8); UST (3-9); UE (2-10)
MAY katiting na tsansa pang makapasok sa Final Four ang National University at University of the Philippines na parehong may 5-8 kartada.
Pero kung magwawagi ang Adamson Falcons ngayon kontra University of Santo Tomas ay mapupunta na sa Falcons ang ikaapat at huling silya sa semifinals at mapagsasarhan na ng pinto ang Bulldogs at Maroons.
Magsasagupa ang Adamson at UST ganap na alas-4 ng hapon pagkatapos ng 2 p.m game sa pagitan ng Ateneo at Far Eastern University sa pagpapatuloy ng UAAP Season LXXIX men’s basketball tournament ngayon sa SM Mall of Asia Arena.
Kapag nakuha ng Adamson ang ikapitong panalo nito ngayon ay imposible nang makahabol pa ang NU at UP na magkasalo sa ikalimang puwesto.
Ngunit kapag natalo ang Adamson ay mananatiling buhay ang pag-asa ng Bulldogs at Maroons na maagaw ang ikaapat na puwesto sa Falcons.
Nakataya naman sa sagupaan ng Blue Eagles at Tamaraws ang pangalawang puwesto na may kaakibat na twice-to-beat incentive sa Final Four.
Sariwa pa ang Blue Eagles ang 83-71 panalo nito sa karibal na koponang La Salle Green Archers.
Ito ang unang kabiguan ng La Salle sa 13 laban. Dahil dito ay magkakaroon ng Final Four match-up ang liga. Kapag nawalis kasi ng Green Archers ang elims sa 14-0 ay awtomatiko itong uusad sa best-of-three Finals habang ang sumunod na tatlong koponan ay dadaan sa step-ladder semis para sa karapatang makasagupa ang La Salle sa championship round.
Bitbit ng Ateneo ang 7-4 kartada habang nasa unahan nito ang Tamaraws na may 8-3 panalo-talong kartada.
Sakaling manalo ang Ateneo ay magtatapos ang dalawang koponang ito na may 8-4 record at dahil tinalo ng Ateneo ang FEU sa unang round ng elims ay papupunta sa Blue Eagles ang twice-to-beat advantage sa Final Four.
—Angelito Oredo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.