Ateneo Blue Eagles pinatikim ng talo ang La Salle Green Archers
Mga Laro Ngayon
(The Arena)
2 p.m. FEU vs Adamson
4 p.m. UP vs UST NU
IPINALASAP ng Ateneo de Manila University ang masaklap na kabiguan sa karibal na De La Salle University matapos putulin ng Blue Eagles ang 12-sunod na pagwawawagi at dungisan ang dating malinis na kartada ng Green Archers sa paghatak ng 83-71 panalo sa pagpapatuloy ng UAAP Season 79 men’s basketball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Hindi lamang naipaghiganti ng Blue Eagles ang 81-79 nitong kabiguan sa unang pakikipagharap sa Green Archers kundi nakamit din nito ang importanteng ikapitong panalo sa 11 laro na nagtulak dito sa solong ikatlong puwesto at tsansang maagaw ang ikalawang puwesto na may twice-to-beat incentive.
Ang panalo ng Ateneo ay pumigil din sa karibal nitong La Salle na agad tumuntong at makuha ang awtomatikong silya sa kampeonato habang nakaiwas din sa mas mahirap na stepladder sa pagdungis at paglantad sa kahinaan ng nananatili sa unahan na Green Archers.
Pinigilan din ng Blue Eagles ang rekord na 12 sunod na pagwawagi sa pagpapalasap sa unang kabiguan sa tropa ni La Salle coach Aldin Ayo sa torneo.
Huling dumikit sa tatlong puntos na lamang ang Green Archers, 46-43, sa simula ng ikatlong yugto subalit agad na gumanti ang Blue Eagles sa paghulog ng walong sunod na puntos upang itulak ang abante sa komportableng agwat na 11 puntos sa 54-43.
Naghulog ng magkasunod na basket si Aaron Black, anak ni PBA Hall of Fame awardee Norman Black, sa natitirang tatlong minuto upang itala ang pinakamalaking abante ng Blue Eagles sa 76-58.
Tanging pinakamalapit na lamang na nagawa ng La Salle sa iskor na 79-71 bago tuluyang nalasap ang kabiguan.
Nanguna para sa Blue Eagles si Black na may 16 puntos at 7 rebounds habang nag-ambag si Thirdy Ravena ng 4 puntos, 9 rebounds at 5 assists.
Nagwagi naman ang National University Bulldogs sa unang laro, 64-52, upang tuluyang patalsikin ang University of the East Red Warriors.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.