It’s time to learn from US | Bandera

It’s time to learn from US

Arlyn Dela Cruz - October 25, 2016 - 12:10 AM

LUMAKI ako sa Olongapo City. Lumaki ako na bahagi ng buhay ko ang Subic Naval Base na pinakamalaking base militar ng Estados Unidos ng Amerika sa Asya-Pasipiko.

Lumaki rin ako sa lugar na napakaraming negosyanteng Filipino-Chinese sa lungsod namin.

Lumaki akong hindi galit sa Amerikano at hindi galit sa mga Tsino o mga Tsinoy. Lumaki ako na kaibigan ang turing ko sa kanila.

Gusto ko ng siopao at burger. Pareho silang authentic sa aking panlasa.

Noong kabataan ko, ang performance sa Rizal Triangle ng Seventh Fleet Band ay inaabangan ko. Isa ito sa mga dahilan kung bakit kabisado ko ang national anthem ng Amerika, bata pa lang ako.

Isa rin sa mga dahilan kung bakit maraming bata ang nanonood noon sa Seventh Fleet Band ay dahil sa namimigay sila ng mga tsokolate.

Hindi limos iyon, tingin namin, fiesta! May free entertainment na, may libreng tsokolate pa. Lalo pa na noong panahong iyon na hindi lahat ay nakakabili ng PX goods, o yung mga pagkaing imported gaya ng mga de lata.

Pag may Spam ka noon, sikat ka na!

Bilang isa sa mga nangunguna noon sa klase (hindi po nagyayabang, requirement kasi iyon para mapabilang), may tinatawag na exchange student program sa mga piling paaralan sa Olongapo City sa George Dewey School sa loob ng Subic Bay Naval Facility at lagi akong napapasama roon.

Nagkaroon ako ng mga kaklaseng Amerikano kahit sandali lang. At nagtapos ako sa paaralang may pangalang Amerikano: Nellie E. Brown Elementary School at Jackson High School, na kinalaunan ay tinawag na Olongapo City National High School.

Noong 1972 o 1974 nang may malakas na bagyo ang tumama sa Olongapo. Baha noon ang buong Olongapo City. Nagdatingan ang mga relief goods mula sa Subic Naval Base, at makailang beses akong nakipila habang karga-karga ako nang kung sino-sinong kapitbahay na nanghiram sa akin para makakuha ng kumot, canned goods at tsokolate.

Inglesera rin ang peg ko bata pa lang ako hanggang mag-elementarya at high school. Kasi nga, ganito ang panghihikayat na rin ng kinalakihan kong alkalde na si Richard Gordon na ngayo’y senador.
Naging tambay rin ako ng mga pampublikong aklatan na karamihan ng mga libro ay mula sa Estados Unidos.

Bata pa lang ay nakikinig na ako sa pagbabalita sa AM radio, kaya lahat ng mga tunay na haligi ng AM station sa Pilipinas ay kilala ko, at laking tuwa nang maabutan at makatrabaho ko pa ang ilan sa kanila.

Pero kasabay nito, lumaki rin ako sa FEN (Far Eastern Network) at sa Voice of America.

Ilang taon bago nawala ang base militar ng Amerika sa bansa, taong 1986, may isang malaking aktibidad ang Student Council sa amin. Pro at Anti-US bases ang pagpipilian. Anim na mag-aaral ang napiling magsalita, at dalawa sa anim ng magiging main speaker o leader ng debating team. Isa ako sa dalawa.

Hindi namin kusang pinili ang posisyong aming ipagtatanggol sa debate. Ang nabunot ko ay ang ipagtanggol ang anti-US bases stance. Wala noong Internet, walang Google na tutulong sa amin sa pagbabasa at pagsasaliksik. Pero nagawa naming magsaliksik sa paraang Amerikano rin ang nagturo sa amin: Magbasa, magbasa, magbasa.

Noong ako ay tumindig sa entablado, 16-anyos pa lang, ito ang bahagi ng opening statement ko: “The United States of America will forever be our ally, our true friend. A true friend will be happy to see us standing on our own feet, walking towards a new track and a new direction. America taught us independence.

It is time to test if we learn from them. It’s time to craft an independent economic, social, political, and foreign policy. America will not mind, because this is what a true democratic country should strive for: genuine independence, even from a close ally like the United States.”

Nanalo ang pangkat ko sa debateng iyon at ako ang hinirang na best speaker.

Paksa lang ng debate noong ako ay bagets pa lang. Ngayon, nagkaka-porma na. Naniniwala ako, na sa kalaunan, hindi ito kawalan sa magkabilang panig. Naniniwala ako noon, at umaasam ako ngayon na ikalulugod din ng Amerika na makitang titindigan ng isang lider ng bansa ang karapatan, kalayaan at katungkulan para sa pagsusulong ng isang independent foreign policy.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Walang talo sa direksiyong ito. Hindi lang inasahang darating. Hindi lang inasahan na may isang Rodrigo Duterte na uupo sa Malakanyang at kikilos para isakatuparan ito.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending