Glaiza malapit ang puso sa special children at mga batang may cancer
KILALANG magaling na kontrabida sa mga teleserye ng GMA 7 si Glaiza de Castro. Pero sa tunay na buhay, malambot ang puso ng dalaga – sa katunayan napakarami niyang tinutulungan ngayon, kabilang na ang mga batang may cancer.
Walang pwedeng kumuwestiyon sa galing ni Glaiza bilang aktres, pero mas bibilib ang publiko sa kababaan ng kanyang kalooban at pagiging matulungin sa mga nangangailangan. Kaya naman, sa loob ng 15 taon niya sa mundo ng showbiz, nananatili pa ring aktibo ang kanyang career.
Ikinuwento ni Glaiza sa solo presscon na ibinigay sa kanya ng GMA kamakailan ang mga gagawin niyang fundraising event, kabilang na ang naganap na benefit concert kagabi para sa PGH Pediatric cancer patients.
“Actually nag-start yan sa fun run. Ang sinusuportahan ko talaga ay yung SPED center sa Valenzuela City. Pero this time, siyempre we’re all about giving back, di ba?
“So meron po akong kaibigan na nag-offer na gusto mo bang magparticipate sa benefit gig for the PGH pediatric cancer patients. So sabi ko bakit hindi? Kasi kung tumutugtog nga ako sa mga gigs o sa mga friends ko why not do it for a cause,” pahayag ni Glaiza.
Nagkaroon ng meet-and-greet during the concert, ibig sabihin lahat ng nag-purchase ng tickets nagkaroon ng chance to meet Glaiza up close anf personal. May mga games din na naganap, so it’s not just a gig na puro kantahan, rakrakan. Dito rin ni-launch ng Kapuso actress ang bago niyang music video na talagang pinag-isipan at pinaghandaan ni Glaiza para mas mapaligaya ang kanyang mga fans.
Bakit special children ang paborito mong tulungan?
“Yung pinaka-foundation ko kasi is sa special children. Siyempre nandu’n din yung advocacy ko sa women (empowerment). Nandoon pa rin yung sa catcalling, sa mga nagsisipol-sipo. So ano po ‘yun in partnership with QC government.
“Pero pinakamalapit po sa akin mga special child, kasi sa family po namin may ganu’n. Yung pamangkin ko po. Ngayon 7 years old na siya. Mahirap po talaga kasi nakikita ko yung struggle ng kapatid ko, siya ang tagaalaga.
“Ano po siya merong Global Developmental Delay. So delayed po yung…kumbaga ‘yung edad niya at yung takbo ng utak niya malayo. Malaki na siya pero let’s say nasa 7 years old na siya pero yung utak niya parang 2 years old pa lang.
“Nakitaan siya ng symptoms noong malapit na siyang mag one year old. Kasi noong una parang akala nila normal, ganyan. Tapos noong magwa-one year old na hindi pa siya nagsasalita parang may something. Anak siya ng eldest namin.”
Tungkol naman sa personal life, ano ang naging reaksiyon mo nang umamin sina Benjamin Alves at Julie Anne San Jose na may namamagitan na sa kanila? (Nanligaw din si Benjamin kay Glaiza bago naging sila ni Julie Anne).
“Okay naman kung saan naman sila masaya, wala naman akong karapatan na magpaka-Pirena sa kanila. Ha-haha! Friend ko naman silang pareho.”
Sino ba ang umayaw?
“Parang nagkaano lang. Parang na-realize namin na hindi talaga ano…hindi pala lahat ng friends swak talaga for relationship.”
Hindi swak, bakit may nakita ka bang off sa kanya?
“Wala naman, siguro timing din. Or maybe parang hindi ko pa siya priority (lovelife). Siyempre gusto ko rin ng mabait talaga, ‘yung makakaunawa sa trabahong meron ako. Antay-antay na lang muna.”
Gaano katagal siyang nanligaw sa iyo?
“Hindi ko na matandaan, pabugso-bugso kasi eh, saka matagal ko na siyang kakilala at hindi ko naman na-imagine na mag-a-attempt siya. Pero supportive naman siya sa akin. Ganu’n naman siyang tao, kapag kaibigan niya supportive talaga siya.”
Ngayon ba may communication pa kayo? Nagkaroon ba ng pag-uusap bago sila “naghiwalay”?
“Ngayon wala na. Hindi pa kami nagkikita. Pero never yatang dumating sa point na nagsabi kami na, tigil muna, wala akong ganu’n. Pero sa akin, kapag tigil, tigil na. Cut-off na. Pack-up na ko. Ha-hahaha.”
Paano ba tumigil ‘yung panliligaw?
“Mararamdaman naman kasi ng girl yun, eh. Siyempre sa umpisa best foot forward lagi eh, di ba may ganu’n? Lahat naman ng babae pag ganu’n papakitaan ng intense na admiration, di ba? Parang okay, ganda ko, haba ng hair ko!”
Hindi ka ba na-hurt na biglang naputol ang friendship n’yo?
“Hindi naman sa he’s not worth it, parang hindi lang talaga ako dumating sa point na nagkaroon ng malalim na ugnayan. Sabi ko nga kahit naman sinong guy na magpakita ng intense admiration sa babae bakit naman hindi. Siyempre naa-appreciate mo naman ‘yun sa kanya.”
Sa pag-eksena muli ng original Sang’gre na si Diana Zubiri (as Danaya) sa Encantadia, may pressure pa ba ito sa kanya?
“Yung pressure sa akin maging consistent, kasi we started very strong in terms of build-up ng network. Mataas ang expectations kaya ayaw din namin na ma-fail yung Encantadiks. Siyempre nakapag-establish na rin po ng audience at ng fans yung Encantadia kaya kahit paano ayaw namin silang i-disappoint. So as much as possible kahit na yung puyat at pagod na nararamdaman namin we want to do our best.”
Ano ang feeling na makaeksena ang original na Pirena (Sunshine Dizon)?
“Sa Encantadia hindi pa kami nagkakaeksena, pero magkakaeksena pa lang. Magtatapatan po kami yung mga original Sang’gres. Napapanood ko sila sa TV siyempre naka-monitor din po ako, parang kinililabutan ako at parang nostalgic yung pakiramdam.
“Especially if you are a fan. Nakakaiyak yung feeling na makita mo sila ulit after 10 years na magkasama. Kung puwede nga kumpleto sila, di ba? Ang saya nu’n pero parang imposible.”
Hindi ka ba naba-bash nang todo dahil sa napakasamang karakter mo bilang Pirena?
“Hindi naman. More on naaapektuhan sila sa eksena. Pero alam naman nila, tulad nitong benefit gig ko, para ito sa mga fans, na magkaroon ng ibang perception of me.
“Kumbaga gabi-gabi nakikita nila akong nagtataray, nagsusungit pero may redeeming naman. Actually mapupunta rin sa point na, hindi ko alam kung dapat ko ba itong sabihin pero magkakaroon kasi ng twist sa story na parang wala ng magiging kakampi si Pirena.
“Magbabalik siya sa mga kapatid niya tapos siyempre akala manlilinlang na naman ako. Sasabihin ng iba uto-uto na naman si Amihan (Kylie Padilla). This time hindi na magpapauto si Amihan, talagang itataboy na niya ako.”
Sino ang pinaka-close mo sa mga Sang’gre?
“Lahat naman, kasi nakatrabaho ko sila for the first time so I would say pare-parehas. Si Gabbi (Garcia bilang Alena) kasi yung very neutral, ma-PR, so madali siyang lapitan. Si Kylie medyo parehas kami in terms of malalim mag-isip minsan, ‘yung mga pinag-uusapan namin medyo deep.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.