Barangay Ginebra maswerte raw kapag bumabagyo
“WE are the champions!” ‘Yan ang sigaw ng mga kababayan nating halos hindi na makahinga dahil sa butas ng karayom na tagumpay na nilusutan ng Barangay Ginebra kontra sa Meralco Bolts.
Nagkatotoo ang kuwento na nu’ng huling mag-champion ang Ginebra, taong 2008, ay nananalanta rin sa buong Luzon ang bagyong Karen.
Grabe ang Game 6 na ‘yun, lahat na yata ng mga Santo ay hiningan ng tulong ng mga tagasuporta ng pinakasikat na team sa PBA, isang panalo na lang kasi at kampeon na ang mahal nilang koponan at wala nang Game 7.
Nakikipagpalitan kami ng text sa mga kapwa naming dyed in the wool Ginebra fans, panay-panay ang hiling namin na magkaroon ng milagro sa hardcourt para makopo na ng koponan ang kampeonato.
Ayun! Sa limang huling segundo ng bakbakan ay ibinato ni Justin Brownlee ang bola nang napakalayo!
Pasok ang tres! Champion ang Ginebra!
Nanood ang pinakaugat ng Barangay Ginebra, ang The Living Legend na si Senator Robert Jaworski, nakadagdag ‘yun bilang inspirasyon sa mga players ng team.
Sa kabila ng bagyong Lawin ay nagluwasan pa rin ang mga kababayan nating hindi makapapayag na hindi sila maging bahagi ng laban ng Barangay Ginebra. Madaling-araw pa lang ay nakapila na sila sa Smart Araneta Coliseum para makabili ng ticket.
Mahaba ang walong taong paghihintay, napakatamis ng tagumpay na ito para sa pinakasikat at pinakaiidolong koponan ng ating mga kababayan, nang pumailanlang ang piyesang “We Are The Champions” ng Queen ay halos sabay-sabay na naluha ang mga tagasuporta ng Barangay na sumisigaw pa rin ng “Never say die!”
Congratulations!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.