Con-Ass inaprubahan na ng House panel | Bandera

Con-Ass inaprubahan na ng House panel

Leifbilly Begas - October 19, 2016 - 04:05 PM
  house of rep Inaprubahan ng House committee on constitutional amendments ang paggamit ng Constituent Assembly sa pag-amyenda ng 1987 Constitution.      Sa botong 32-7- at tatlong abstention, inaprubahan ng komite ang pagpapatawag ng ConAss.      “The committee on constitutional amendments approves the concurrent resolution calling for Congress of the Philippines to constitute itself as a constituent assembly for the purpose of proposing amendments to or revision of the 1987 Constitution,” deklara ni Southern Leyte Rep. Roger Mercado, chairman ng komite.      Bago ito ay nagpatawag ng viva voce voting o botohan sa pamamagitan ng sigawan si Mercado at ang nanalo ay ang ‘ayes’ o pabor sa mosyon pero kinuwestyon ito ni Buhay Rep. Lito Atienza dahil mas malakas daw ang botong ‘nays’ ayon sa kanyang pandinig.      Kaya inulit ang botohan at pinatayo na lamang ang mga kongresista upang mabilang ng maayos.       Bumuo na rin ng technical working group na siyang magsasama-sama ng mga resolusyon na nagpapatawag ng ConAss kabilang ang resolusyon nina Negros Occidental Rep. Albee Benitez at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers.      Inihain nina Benitez at Barbers ang kani-kanilang resolusyon bago pa man nagbago ang isip ni Pangulong Duterte.       Noong una ay nais ni Duterte na Constitutional Convention ang gamitin sa pag-amyenda sa Saligang Batas subalit matapos malaman kung magkano ang pondong kailangan para rito ay nagbago ang kanyang isip at pumayag na gamitin ang ConAss.       Aabot sa P6 bilyon hanggang P7 bilyon ang gagastusin sa ConCon kung saan maghahalal ang publiko ng mga delegado na siyang babalangkas ng bagong Saligang Batas.       Nais ni Duterte na baguhin ang porma ng gobyerno at gawin itong federal na magiging solusyon umano sa mga problema partikular sa Mindanao. 30

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending