Kerwin dapat ‘proteksyunan’ | Bandera

Kerwin dapat ‘proteksyunan’

Arlyn Dela Cruz - October 19, 2016 - 12:10 AM

NGAYONG arestado na ang suspected big-time drug distributor na si Kerwin Espinosa, mas mabigat ang hamon na patunayan ang integridad ng gera laban sa ilegal na droga ng Duterte Administration.

Sa drug matrix at sa intelligence report, nakalatag doon ang mahalagang papel ni Kerwin sa paglala ng illegal drugs sa Eastern Visayas na ang ruta ng suplay mula sa source sa mainland China na pinadadaan naman sa National Bilbid Prisons.

Makikita rin dito ang kuneksiyon niya sa mga una nang pinangalanan ni Pangulong Duterte na mga Narco-Generals, na una na rin nating naisulat sa Inquirer.

Palawigin natin upang higit na mas maunawaan ang kahalagahan ng pagkaka-aresto kay Kerwin.

Si Kerwin ay isang dating utusan, na madisrakte, naging asset. Pero hindi lang puro diskarte itong si Kerwin; marami rin siyang kuneksiyon sa potential o targeted na expansion ng market noon.

Oo, gamitin natin ang salitang potential at targeted market sa pagsasalarawan ng naging paglaki o paglago ni Kerwin sa operasyon ng illegal drugs.

Gumawa ng paraan ang mga handlers ni Kerwin batay sa report na magkaroon ng kuneksiyon si Kerwin sa pinakamalalaking drug distributor sa Cebu, walang iba kundi si Jeffrey Otom Diaz alias ”Jaguar”.

Sa madaling salita, ang mga handlers na rin ni Kerwin ang nagpakilala sa kanya kay Jaguar. Noong una ay parang expansion lamang ng operasyon ni Jaguar. Lumaon, si Kerwin na mismo ang operator.

Lumaki ang kanyang pangalan at madaling nagbago ang kanyang pamumuhay. Biglang yaman at pumasok pa nga pulitika at nanalong mayor ng bayan ng Albuera, Leyte.

Napatay si Jaguar noong Hunyo 18 sa Las Piñas, hindi pa opisyal na nauupo bilang pangulo si Duterte. Combined and composite team ng Las Piñas at Cebu ang nakapatay kay “Jaguar”. May ayuda rin dito ang ilang tropa mula sa PNP-NCRPO (National Capital Region Police Office). Hindi ko sinasabing hindi legitimate operation iyon. Pero gusto ko ring sabihin na ang iti-nuturong kuneksiyon ni Kerwin ay si retired General Marcelo Garbo na dating nakatalaga sa Regional Office sa Region 7 ng PNP at sa PNP-NCRPO mismo bago siya napuwesto sa Camp Crame sa directorial position.

Sino nga rin ang mga opisyal o dating opisyal ng PNP na nakita sa loob ng Maximum Security Compound kasama ang ilang mga sentensiyadong high profile inmates na tulad ni Herbert Colanggo na aminadong nagpakasasa sa buhay sa loob ng kanilang “walled paradise” sa pamamagitan ng patuloy na pagnenegosyo lalo na ng ilegal na droga hindi lamang sa loob ng kulungan kundi sa labas na dapat sana’y wala na silang ugnayan lalo pa kapangyarihan kaya.

Dapat na maipatupad ang pinakamataas na seguridad para kay Kerwin upang mapagtibay ang kuneksiyon sa mga dating opisyal at mga aktibong opisyal at tauhan ng PNP. Mahalaga itong hakbang para maipakita na ang kampanya ay hindi lamang laban sa mga maliliit na pusher at user.

Totoong nakagagalit ang malaman na ang mga gobernador, alkalde at iba pang halal na opisyal ng pamahalaan ay sangkot sa ilegal na droga. Ngunit wala nang mas higit na mabigat na pananagutan ang makitang ang mga tagapagpatupad mismo ng batas ang hindi lang basta nakikihati sa operasyon ng ilegal na droga, hindi lang basta protektor, kundi nagmistulang may hawak ng sindikato.

Ang totoo, kung ilalantad talaga ang listahan ng mga pulis na sangkot sa operasyon ng ilegal na droga, manipis ang 6,000 na una nang sinabi ni Pangulong Duterte.

Bagaman, yung nakalagay sa intelligence report, for verification, lumalabas na bawat istasyon ng pulisya ay may hindi bababa sa lima hanggang anim na sangkot sa operasyon ng sindikato.
May isang district office pa nga na buong opisyal at tauhan ng unit na ang pangunahing trabaho ay sawatain ang ilegal na droga ay sangkot sa ilegal na droga. Buong unit! Lahat pasok sa listahan.

Kaya nagtataka pa ba kayo kung bakit ang iniisip o sapantaha na ang mga pulis na sangkot sa ilegal na droga ay siya ring nasa likod ng mga walang habas na pagpatay na ang istilo ay summary execution o liquidation ay dahil sa talagang may kuneksiyon.

Ang totoo – hanggang ngayon, wala pa ring mga pulis na sinasabing sangkot sa ilegal na droga ang naparurusahan at ang mabigat na balita lamang nating nadinig kaugnay sa pulis at pagkakasangkot sa listahan ay ang nailipat o natapon ng puwesto ang mga ito.

Sa pag-postura ng gera sa sindikato ng ilegal na droga, ang integridad sa kabuuan ay hindi magiging sapat sa pagtimbang hangga’t walang nakakasuhang heneral o retiradong heneral, o opisyal ng pulisya, retirado man o aktibo, na sangkot sa ilegal na droga. Ang totoo, huwag nang sa antas pa ng heneral, retirado man o aktibo. Sa mga mas mababang ranggo, hirap nang papanagutin ang mga kabarong nasa listahan, paano pa nga kaya ang nasa taas?

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Sa pagkaka-aresto kay Kerwin, umaasa ang mga nagmamasid sa takbo ng gera laban sa ilegal na droga na ito na nga ang simula ng pagpapatibay ng tunay na naging kaugnayan ng mga tagapagpatupad ng batas sa paglala ng operas-yon ng ilegal na droga sa bansa.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending