Bigtime drug lord na si Kerwin Espinosa arestado sa Abu Dhabi
ARESTADO ang diumano’y bigtime drug lord na si Roland “Kerwin” Espinosa Jr., anak ni Albuera, Leyte Mayor Ronaldo Espinosa Sr., sa Abu Dhabi, United Arab Emirates (UAE), ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief, Dir. Gen. Ronald “Bato” dela Rosa.
Sa isang press conference sa Camp Crame, sinabi ni dela Rosa, alas-2 ng madaling araw (Manila Time) nang madakip si Kerwin sa Abu Dhabu matapos magsagawa ng operasyon ang Abu Dhabu Police at PNP Anti-Illegal Drugs at Interpol.
“Just this morning around 2 a.m., our team from AIDG led by Senior Superintendent (Albert) Ferro in coordination with criminal investigation division of the Abu Dhabi police arrested the drug lord Kerwin Espinosa,” ayon kay dela Rosa.
Ang mga kababayang Pinoy na nasa Abu Dhabi na nakakita kay Espinosa ang silang nagsuplong sa pulisya.
Dahil dito, madali siyang nagpadala ng mga tauhan sa lugar para maaresto ang drug lord ng Visayas.
Kasalukuyang nasa kustodiya pa ng Abu Dhabi Police si Espinosa.
“Mayroong nag-tip sa atin. Mayroong tumawag na mga OFW doon sa Abu Dhabi at nagsasabi na nandyan malapit sa building nila nakatira si Kerwin kaya nag-dispatch agad ako ng three-man team,” pahayag pa ng hepe ng pulisya.
Sa sandaling maiproseso ang pagdodokumento kay Espinosa ay madali rin itong iuuwi sa bansa para dito harapin ang patong-patong na kasong isinampa sa kanya.
Noong Miyerkules, sinampahan si Espinosa at pitong iba pa, kabilang ang isang alkalde ng Cebu at tatlong media men, dahil sa pagkakasangkot diumano sa ilegal na droga.
Nagtago ang batang Espinosa matapos magbigay ng 24-hour ultimatum si Pangulong Duterte noong Agosto laban sa mag-ama. Unang sumuko si Albuera mayor Espinosa kay dela Rosa. Lumabas ng bansa ang batang Espinosa bago pa makapanumpa bilang pangulo si Duterte noong Hunyo 30.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.