Tibay ng UP Fighting Maroons susubukan ng DLSU Green Archers
Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
2 p.m. La Salle vs UP
4 p.m. NU vs UST
Team Standings: La Salle (8-0); FEU (7-2); Ateneo (4-4); NU (4-4); Adamson (4-5); UP (3-6); UE (2-6); UST (2-7)
ISA sa pinakamainit na koponan ngayon sa UAAP Season 79 men’s basketball tournament bukod sa wala pang talong De La Salle University Green Archers ay ang University of the Philippines Fighting Maroons.
Matapos na manalo lamang ng isang beses sa unang pitong laro ay nagtala ng back-to-back wins ang Fighting Maroons.
Tinisod ng UP ang Ateneo, 56-52, bago ginulantang ang Adamson, 70-66.
Pero kung nais ng UP na mapalawig sa tatlo ang winning streak nito ay kailangang maglaro ng mahigit sa 100% ang mga Fighting Maroons. Ito ay dahil ang makakasagupa nila ngayon ay ang nangunguna at walang bahid na Green Archers.
“We’re just gonna play,” sabi ni UP coach Bo Perasol. “We will still do what we have done in the past two victories and this match will be our test of character.”
Sa kanilang pagtatagpo sa first round noong Setyembre 10 ay tinambakan ng La Salle ang UP, 89-71.
Tiyak na magpapahirap din sa UP ang pagbabalik ng kamador na La Salle na si Jeron Teng.
Gayunman, hindi pa rin mamaliitin ng La Salle ang kakayahan ng UP.
“Against UP? It will not be easy. The more we win, the harder it gets,” sabi ni La Salle head coach Aldin Ayo. “All teams are capable of pulling off an upset. We just have to continue working hard.”
Maghaharap ang La Salle at UP umpisa alas-2 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum. Susundan ito ng sagupaan sa pagitan ng National University Bulldogs at season host University of Santo Tomas Growling Tigers sa ganap na alas-4 ng hapon.
Tinalo ng NU sa kanilang unang paghaharap ang UST, 75-68, noong Setyembre 25 pero papasok ito sa laro ngayon na may two-game losing skid.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.